Umupo na bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) si Police Major General Nicolas Torre III ngayong Lunes matapos isagawa ang change of command ceremony sa Camp Crame, Quezon City.

Pinalitan ni Torre sa posisyon si Police General Rommel Marbil, na magtatapos sa June 7 ang pinalawig na termino.

Si Torre, ang ika-31 hepe ng PNP, ang kauna-unahang alumnus ng Philippine National Police Academy (PNPA) na magiging pinuno ng PNO, ayon Presidential Communications Office (PCO).

Pinangunahan naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakaloob ng bagong ranggo kay Torre na mula sa pagiging Police Major General bilang isang Police General.

Kabilang sa utos ni Marcos kay Torre ang linisin ang hanay ng kapulisan at pangalagaan ang publiko.

“Hamon ko sa 'yo, panatilihin mong malinis at marangal ang hanay ng kapulisan. Bilisan ang imbestigasyon sa mga kaso laban sa mga pulis na lumabag sa batas upang maibigay natin ang hustisya sa lalong madaling panahon,” saad ni Marcos sa kaniyang talumpati.

“Paigtingin ang presensya ng kapulisan sa lansangan… Kapag kailangan ng taumbayan, dapat may pulis agad na reresponde,” dagdag niya.

Bago maging PNP chief, pinamunuan muna ni Torre ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nanguna sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte, at dinala sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands noong Marso, dahil sa reklamong crime against humanity.

Naging pinuno rin siya ng Police Regional Office 11 (PRO 11) chief, kung saan pinangunahan naman niya ang pagdakip kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy noong September 2024 sa Davao City dahil sa kinakaharap ng huli na kasong human trafficking and sexual exploitation of minors.

Dati ring nakatalaga si Torre bilang hepe ng Quezon City Police District hanggang noong August 2023.

Isinilang si Torre, 54-anyos, sa Jolo, Sulu. Hanggang edad 56 ang mandatory retirement ng hepe ng PNP. -- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News