Tumaas sa mahigit dalawang milyon ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho o kabuhayan nitong Abril 2025, dahil na rin sa mas maraming Pilipino ang pumasok sa labor force at naghahanap ng trabaho ngunit kaunti lang ang kaagad natanggap.
Nakasaad ang impormasyon mula sa pinakabagong datos mula sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa press briefing ngayong Biyernes, sinabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa, na bahagyang umangat sa 2.06 milyon nitong Abril ang mga Pinoy na walang trabaho, mula sa edad 15 pataas. Mas mataas ito sa 1.93 milyon na naitala noong Marso 2025.
Kung ikukumpara sa parehong buwan noong 2024, tumaas ng 23,000 ang bilang ng mga walang trabaho mula 2.04 milyon, ayon kay Mapa.
Sa kabuuang 50.74 milyong kalahok sa labor force — na aktibong naghahanap ng trabaho sa panahong nabanggit— ang bilang ng mga walang trabaho ay katumbas ng unemployment rate na 4.1%, mas mataas kaysa 3.9% noong Marso, at 4% noong Abril 2024.
“Dumami kasi ang mga kasama sa labor force, labor force participation, so siya ‘yung factor… ‘pag tumataas ang labor force participation, hindi naman lahat na-absorb lahat para maging employed persons,” ayon kay Mapa.
Tumaas ng 340,000 ang mga lumahok sa labor force kumpara noong Abril 2024, at tumaas din ng halos 780,000 kumpara noong Marso 2025 na 49.96 milyon.
Sa 340,000 na nadagdag sa labor force kada taon, tinatayang 317,000 ang nakapasok sa trabaho habang 23,000 ang hindi natanggap.
“Despite the slight uptick in unemployment, the Philippine labor market continues to demonstrate resilience amid global headwinds. We remain on track to meet our target unemployment range of 4.4% to 4.7% set under the Philippine Development Plan 2023-2028,” ayon kay Rosemarie Edillon, ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) officer-in-charge and Undersecretary for Policy and Planning.
Sa kabila ng bahagyang pagtaas ng mga walang trabaho nitong Abril, tumaas pa rin ang kabuuang bilang ng mga may trabaho o may hanapbuhay sa tinatayang 650,000 hanggang 48.67 milyon, mula sa 48.02 milyon noong March 2025.
Kumpara sa Abril 2024, nadagdagan ng 317,000 ang employed mula sa 48.35 milyon, ayon kay Mata.
Sa 50.74 milyon Pinoy sa labor market, nasa 95.9% ang employment rate sa Abril, mas mababa sa 96.1% noong nakaraang Marso, at 96% noong Abril 2024. -- mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News

