Kaawa-awa ang sinapit ng isang aso matapos itong mapagbalingan at pagpapaluin ng isang lalaking tila nag-amok umano noong Linggo sa Punta, Santa Ana, Maynila. Ang pang-aabuso sa aso, nasaksihan ng mismong amo.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing isinalaysay ng barangay na ang aso ang napagbalingan ng init ng ulo ng 26-anyos na suspek matapos niyang makaaway ang ilan niyang kaanak.
“Ang kaaway niya muna 'yung kaniyang tatay. So nag-aamok, nabalingan niya 'yung pinsan. Nu’ng mapalo niya 'yung pinsan, nabalingan naman 'yung aso. So doon, pinalo din niya 'yung aso. So nasaktan 'yung aso, parang dumadaing 'yung aso, umiiyak,” sabi ni Fernando Mercado, Kagawad ng Barangay 900.
Nakunan sa CCTV na sumugod ang suspek sa kaniyang lalaking pinsan na nakatambay sa labas ng isang tindahan.
Matapos nito, namataan ang suspek na may dalang pamalo. Hindi na nahagip sa CCTV ang mga sumunod na eksena kung saan paulit-ulit na umanong sinaktan ng lalaki ang aso.
“Pagdating po roon, bigla pong parang nangingisay 'yung aso. Nu’ng nakita pong naka-ano na 'yung aso na parang wala na siyang malay, inaresto na po agad ng mga tanod [yung suspek],” sabi ng ex-o ng Barangay 900 na si Jhun Katigbak.
“Noong nagawa naman ng suspek, inamin naman, sumuko siya, hindi siya tumakas or nag-resist,” sabi ni Mercado.
Narekober sa suspek ang ginamit niyang pamalo.
Ang amo na nasaksihan ang pamamalo sa kaniyang aso, maglalaba noon at pinalabas lang niya ito para dumumi.
“Noong nakabili na po ako ng sabon, pagbalik ko po nakita ko na lang po na hinahampas niya po ‘yung aso namin sa ulo po. Then noong nakita ko po iyon, natulala na lang po ako. Noong naririnig ko na malakas na po 'yung iyak na aso namin. Saka na po nagsumbong sa pamilya ko po. Naaawa po ako sa aso po. Wala pong ginagawang masama po sa kaniya. Pinalo niya po,” sabi ng may-ari ng aso.
Dinala sa beterinaryo ang aso na posibleng nagtamo ng mga bali sa katawan at ulo.
Tumanggi namang humarap sa kamera ang nadakip na suspek.
Ayon sa kaniya, natutulog umano siya nang bigla siyang maalimpungatan at dinala ang pamalong nakuha sa kaniyang kuwarto.
Sinabi ng barangay na marami na ang reklamo sa suspek dahil sa panggugulo umano niya sa lugar.
Gumagamit din umano ng ilegal na droga ang suspek, na walang pahayag tungkol dito.
Desidido ang may-ari ng aso na sampahan ang suspek ng reklamong paglabag sa Philippine Animal Welfare Act of 2013.
“Itutuloy po talaga namin 'yung kaso po. Dahil sa una pa lang po talaga, sakit sa ulo po talaga siya doon sa lugar po,” sabi ng may-ari ng aso. -- Jamil Santos/ FRJ, GMA Integrated News
