Isang babaeng taga-showbiz ang marami umanong nalalaman sa kaso ng nawawalang mga sabungero, ayon sa isang akusado na nais nang maging testigo na si “Alyas Totoy.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kasama ang pangalan ng naturang celebrity sa sinumpaang salaysay na isusumite ni Alyas Totoy sa mga awtoridad.

"May isang babaeng celebrity, ‘di ko naman pangalanan at alam na nila ‘yan. Kasama siya sa alpha member. Ibig sabihin kasama siya sa grupo," sabi ni Toto.

"Isa rin siya 'pag nag-meeting-meeting andu'n siya. Isa rin siya na susi kung sakali. Siya ang mas marami din alam," dagdag pa ni Totoy, na sinabing dapat ding kasuhan ang naturang celebrity kasama ng mahigit 30 sibilyan at mga pulis na may nalalaman sa sinapit ng nawawalang mga sabungero.

Nauna nang sinabi ni Totoy na patay na ang nawawalang mga sabungero at itinapon ang mga bangkay nito sa Taal Lake.

Ayon kay Totoy, handa na ang sinumpaan niyang salaysay, at isusumite niya kapag nakompleto na niya ang mga ebidensiya.

Kaugnay nito, magsasagawa umano ng paunang imbestigasyon ang National Police Commission (Napolcom) kaugnay sa alegasyon ni Totoy na may mga pulis na sangkot sa krimen.

"Ang pinaka-susi diyan lumutang ang complainant. Kung nakikinig ang complainant natin ngayon dito, maaari siya makipag-ugnayan sa Napolcom. Kinakailangan talaga makuusap natin siya. Siya ay dapat maghahin ng kanyang reklamo sa Napolcom. Aksyunan natin ito," sabi ni Napolcom Vice Chairperson Atty. Rafael Calinisan.

"Ang Napolcom ang pulis ng pulis. 'Di ako kumportable na may mga kasama tayo sa police force sa PNP na involved dito sa nawawalang mga sabungero. 'Di tayo magdadalawang isip kung kailangan natin disiplinahin at tanggalin sa serbisyo at i-dismiss ang mga involved na police, gagawin natin ito," dagdag niya.

Sa hiwalay na ulat ni Ian Cruz, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na may kredibilidad ang mga sinasabi ni alyas Totoy dahil suportado umano ng video at mga dokumento ang kaniyang magiging testimonya.

Nang tanungin kung papasa ba si Totoy na maging state witness, sinabi ni Remulla na, “Step by steps ‘yan. That will be left to the prosecutions to pave the way for this to happen.”

--GMA Integrated News