May nakuha ang mga awtoridad sa Taal Lake na sako na may laman na mga buto na aalamin kung sa tao o hayop nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras”, sinabing ang mga buto ay nakuha sa gilid ng lawa sa bahagi ng Laurel, Batangas.
Gayunman, isasailalim pa sa pagsusuri ang mga buto upang malaman kung sa tao ito, at kung kasama sa mga nawawalang sabungero na sinasabing pinatay at itinapon sa lawa ang bangkay.
Una rito, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na sisimulan nila sa Biyernes ang pormal na paghahanap sa mga labi ng mga nawawalang sabungero kung hindi magiging masama ang lagay ng panahon.
“Technical divers will commence the search and retrieval operations to look for the remains of the missing sabungeros that are allegedly dumped at Taal Lake tomorrow, 11 July 2025, as weather permits,” saad ng PCG sa pahayag.
Inihayag din ni Justice spokesperson Mico Clavano kanina na tiwala ang kagawaran na maaari pa ring makuha ang mga labi kung sa Taal Lake itinapon ang mga nawawalang sabungero noong 2021 at 2022.
“May mga nagsasabi po na meron pa po tayong maaabutan. They indicated certain factors dahil what we're dealing with now is more freshwater,” saad ni Clavano sa ambush interview.
“Yung mga dating searches were done in saltwater. There are experts advising us on what we should be looking for,” dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News
