Umakyat na sa 25 ang nasawi dahil sa pananalasa ng mga bagyong Crising, Dante, Emong at Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes.
Siyam sa mga nasawi ay mula sa Metro Manila, habang tig-tatlo ang mula sa Calabarzon, Western Visayas, Negros Island Region, at Northern Mindanao.
May tig-isa namang nasawi sa Central Luzon, Mimaropa, Davao Region, at Caraga.
Gayunman, sinabi ng NDRRMC, na tatlo pa lang sa naiulat na nasawi ang nakumpirma na mula sa Bulacan, Camiguin, at Surigao del Norte.
Maliban sa Eastern Visayas, naapektuhan din ng masamang panahon ang lahat ng rehiyon sa bansa. Nasa 3,849,624 katao o 1,065,779 pamilya ang naperwisyo.
Naitala ang mga pagbaha, landslides, pagkasira ng mga empraestruktura at buhawi sa mga apektadong lugar.
Sa mga rehiyon, pinakamarami ang naapektuhan sa Central Luzon na umabot sa 2,296,607, sinundan ng Bicol Region na 316,804 at Calabarzon at 205,825.
Mayroong 167,257 tao o 47,522 pamilya ang nasa mga evacuation center, habang 111,454 tao o 27,685 pamilya ang tumutuloy sa iba pang lugar.
Nasa P3,987,521,473 ang pinsala sa empraestruktura, P366,905,285 sa agrikultura, at P281,660,000 sa irrigation systems.
May kabuuang bilang na 2,909 bahay ang napinsala, na 2,423 ang partially damage at 486 lubos na nasira.
Isinailalim sa state of calamity ang 84 lungsod at munisipalidad, kabilang ang buong lalawigan ng Cavite, Bataan, at Pampanga:
- Umingan, Mangaldan, Lingayen, Malasiqui, at Calasiao sa Pangasinan
- Dagupan City, Dagupan
- Bataan province
- Pampanga province
- Calumpit, Balagtas (Bigaa), Paombong, Meycauayan, Marilao, at Barangay Matungao sa Bulakan sa Bulacan
- Paniqui, Camiling, at Moncada sa Tarlac
- Quezon City
- Marikina
- Navotas
- Manila
- Valenzuela
- Cavite province
- Agoncillo, Batangas
- Cainta, Rodriguez (Montalban), at San Mateo sa Rizal
- Roxas, Palawan
- Sebaste, Barbaza, at Culasi sa Antique. — mula sa ulat joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

