Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang articles of impeachment na inihain ng Kamara de Representantes laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting ngayong Biyernes.

"The SC has ruled that the House impeachment complaint versus VP Sara Duterte is barred by the one-year rule and that due process or fairness applies in all stages of the impeachment process," saad niya sa press briefing. 

Ang desisyong ng SC ay kaugnay ng pinagsamang petisyong inihain nina Duterte, Atty. Israelito Torreon, at iba pa, na humihiling na ideklarang walang bisa ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente.

Gayunman, nilinaw ng SC na ang desisyon ay hindi nangangahulugan na inaabsuwelto si Duterte laban sa mga ipinaparatang sa kaniya na nakapaloob sa articles of impeachment.

Matatandaang noong Disyembre 2024, tatlong reklamong impeachment ang isinampa laban kay Duterte, na lahat ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng bise presidente sa confidential funds.

Ang ika-apat na reklamo na inihaian noong nakaraang Pebrero ang siyang inendorso at sinuportahan ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan, at kalaunan ay ipinadala sa Senado. Habang ini-archived naman ang tatlong naunang reklamo. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News