Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) na nakatanggap ito ng impormasyon na bumiyahe papuntang Singapore ngayong Biyernes si acting Davao Mayor Baste Duterte, ilang araw bago ang inaasahang “charity boxing” match nila ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III sa Linggo.
Ayon sa NBI, umalis ng bansa si Duterte sa pamamagitan ng pagsakay ng eroplano sa Davao International Airport papunta sa Singapore nitong Biyernes ng umaga.
Marami ang nag-aabang sa posibleng bakbakan nina Duterte at Torre sa Linggo.
Unang naghamon ng suntukan si Duterte kay Torre sa kaniyang video post sa YouTube noong nakaraang Linggo.
Tinanggap naman ni Torre ang hamon at iminungkahi ang boxing match na paraan ng charity upang makatulong sa mga biktima ng kalamidad. Itinakda niya ang bakbakan sa darating na Linggo sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Ayon sa PNP Chief, hihintayin niya si Duterte sa sports complex. Ngunit dumating man o hindi ang acting mayor, mamahagi sila ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad dulot ng ilang araw na pag-ulan.
Nitong Huwebes, nag-post muli ng video si Duterte at nagtakda ng mga kondisyon para tanggapin niya ang boxing charity kay Torre. Kabilang sa kondisyon niya ang pagsasailalim ng mga opisyal ng gobyerno—kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—sa hair follicle drug test.
“Huwag kang mag-alala Torre, kasi matagal ko na talaga gusto makabugbog ng unggoy,” anang acting mayor.
“Kung gusto mo lang talaga ng suntukan, bakit kailangan mo pa ng charity, charity? Why do you need…kailangan mo pang gamitin yang nangyayari ngayon na baha diyan sa Metro Manila?,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte, kapatid ni Baste, na dapat pumirma sa waiver si Torre na nagsasaad na walang dapat panagutan ang kaniyang kapatid kapag natuloy ang bakbakan ng dalawa.
“Kung seryoso siya, mag-sign muna ng waiver. Kay kung mapuruhan siya, mamatay, makukulong ang kapatid ko,” ani Pulong.
“Mag-sign muna ng waiver. Magpa-drug test na rin. Kung talagang malinis, then it’s a go,” dagdag pa niya. — mula sa ulat nina Joahana Lei Casilao/Joviland Rita/Llanesca Panti/FRJ GMA Integrated News

_2025_07_24_15_01_14.jpg)