Inihayag ng Government Service Insurance System (GSIS) nitong Biyernes na pinalawak nito ang saklaw ng kanilang emergency loan, at idinagdag ang ilang lugar sa Luzon at Metro Manila, na nagdeklara ng state of calamity bunga ng matinding epektong dulot ng mga pag-ulan.

Sa inilabas na abiso, sinabi ng GSIS na ang mga miyembro at pensyonado na nakatira sa Cainta, San Mateo, at Montalban sa Rizal; at sa mga lungsod ng Malabon, Marikina, Las Piñas, Navotas, at Valenzuela ay maaaring mag-apply para sa emergency loan hanggang Oktubre 24, 2025.

Hanggang sa nabanggit na petsa rin maaaring mag-apply para sa emergency loan ang mga miyembro at pensioners sa Cainta, San Mateo, at Montalban sa Rizal; at Malabon, Marikina, Las Piñas, Navotas, at Valenzuela.

Habang ang mga miyembro at pensioners na nakatira o nagtatrabaho sa Agoncillo sa Batangas, Balagtas sa Bulacan, Malasiqui sa Pangasinan, Roxas sa Palawan; mga lalawigan ng Bataan at Pampanga; at Dagupan City sa Pangasinan ay maaaring mag-apply ng emergency loan hanggang August 24, 2025.

Ang karagdagang mga lugar na maaaring mag- loan ang mga miyembro at pensyunado ay mula sa Cavite, Quezon City, Umingan sa Pangasinan, Calumpit sa Bulacan, at Maynila.

“This expanded coverage is part of our continuing commitment to provide immediate relief to our members and pensioners affected by Tropical Storm Crising, Habagat, and related calamities,” ayon kay GSIS officer-in-charge Juliet Bautista.

Ang mga kuwalipikadong aktibong miyembro ay maaaring humiram ng P20,000 hanggang P40,000 kung mayroon silang existing emergency loan.

Maaaring bayaran ang loan sa loob ng tatlong taon na may mababang interes na 6% bawat taon at walang processing fee. Maaari ding mag-apply ang mga pensyonado, basta may matitira ang hindi bababa sa 25% ng kanilang netong buwanang pensyon matapos ang kaltas sa loan.

Ayon sa GSIS, maaaring isumite ang aplikasyon sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, GWAPS kiosks, o personal sa mga sangay ng GSIS at mga itinalagang opisina ng pamahalaan.

Patuloy umanong mino-monitor ng GSIS ang mga deklarasyon ng kalamidad at handa itong magbukas ng emergency loan window sa iba pang lugar kung kinakailangan.

“As more LGUs submit their official declarations, we are prepared to extend assistance to ensure that no member is left behind in times of need,” ayon kay Bautista. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News