Inihayag ng National Housing Authority (NHA) ngayong Biyernes ang inilabas na mga panuntunan para sa isang buwang moratorium o pansamantalang suspensyon sa pagbabayad sa amortization at upa sa buong bansa, bilang tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad na dulot ng mga bagyo at Habagat.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ng NHA na naglabas si General Manager Joeben Tai ng NHA Memorandum Circular No. 2025-141 upang ipatupad ang isang buwang moratorium sa mga bayarin ng mga benepisyaryo ng pabahay ng ahensya sa buong Pilipinas.
Mula Agosto 1 hanggang 31, 2025, “payment of amortization and lease are suspended.”
Idinagdag ng ng NHA na walang interes o multa na ipapataw sa mga hindi makakabayad sa loob ng nabanggit na buwan.
Magsisimula muli ang paniningil ng amortization at bayad sa upa, kasama ang anumang karampatang interes o multa, sa Setyembre 1, 2025.
Layunin ng naturang moratorium na kahit papaano ay mabawasan ang alalahanin ng mga pamilyang naninirahan sa mga proyekto ng NHA, na naapektuhan ng kalamidad.
Dagdag pa ng NHA, “Any payment made during the moratorium will be applied in accordance with the existing hierarchy of payments.”
Ang NHA ay attached agency sa ilalim ng Department of Human Settlements and Urban Development.—mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News
