Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagkuha ng mas maraming school counselors sa mga pampublikong paaralan sa gitna ng tumataas na kaso ng bullying at suliraning may kaugnayan sa mental health ng mga estudyante.
Sa kaniyang talumpati sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nngayong Lunes, binigyang-diin ni Marcos ang tungkol sa emosyonal na pasanin na patuloy na hinaharap ng maraming estudyante. Dapat umano itong tugunan ng gobyerno kasabay ng traditional academic interventions.
Nauna nang inihayag ng Department of Education ang kakulangan ng mga counselor sa paaralan sa pagsuporta ng kapakanan ng mga mag-aaral.
“Maraming mag-aaral ang nakakaranas ng bullying o kaya’y depresyon. Binabantayan natin ang mental health ng ating kabataan,” sabi ni Marcos.
Para tugunan ito, sinabi ni Marcos na dadagdagan ng DepEd ang bilang ng mga school counselor na magsisilbing support system at first responder para sa mga estudyanteng in distress.
Inihayag din ng pangulo ang paglunsad ng YAKAP Caravan, isang inisyatibo sa buong bansa na magbibigay ng mga libreng medical checkup, cancer screenings, at mahahalagang gamot para sa mga mag-aaral at guro.
Bagama’t pangunahing nakatuon sa pisikal na kalusugan, inaasahan ang YAKAP program na magbukas ng mas maraming paraan para sa maagang pagtukoy ng psychological stress, anxiety, at depresyon sa mga estudyante, lalo na sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.
"Naglaan tayo ng isang bilyon para makapagtayo ng mahigit tatlong daang Barangay Child Development Centers at Bulilit Centers sa buong bansa. Lalo na sa mga higit na nangangailangang pook. At pauna lamang 'yan. Unti-unti nating tutugunan ang matinding kakulangan sa daycare centers na nabinbin mula pa noong 1990," sabi niya.
Dahil dito, inaasahang magtutulungan ang mga ahensiya ng edukasyon at kalusugan para maisama ang mental wellness assessments sa programang pangkalusugan na may kaugnayan sa paaralan.
Matagal nang isinusulong ng mga tagapagtaguyod ang mas matibay na suporta sa kalusugang pangkaisipan sa mga paaralan—lalo na matapos ang COVID-19 pandemic na nagpalala ng kalungkutan, pressure sa pag-aaral, at emotional stress ng mga estudyante.
Sa kabila ng pagpasa ng Mental Health Act noong 2018, mabagal umano ang pagpapatupad ng programa sa basic education, dahil sa kakulangan ng mga lisensyadong guidance counselor.
Batay sa pinakahuling datos ng DepEd, libo-libong paaralan pa rin ang nagsasalo sa iisang guidance counselor kung mayroon man sila.
Ang panawagan ni Marcos ay senyales na kailangan ang agad na pagtugon sa harap ng matinding pangamba ng publiko sa mga insidente ng student suicide, karahasan sa loob ng paaralan, at online harassment.
“Ang pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon ay ang ating mga mahal na guro,” dagdag pa ni Marcos, na binigyang-diin ang pangangailangang suportahan ang mga mag-aaral at guro.
Hindi pa inilalahad ng administrasyon kung ilang bagong posisyon ng counselor ang malilikha, o kung kailan magsisimula ang hiring. Gayunman, sinasabi ng mga stakeholder sa edukasyon na matagal nang dapat na isinagawa ang pagbabago sa pambansang patakaran ang mga pahayag ni Marcos, na dapat ilagay sa gitna ng reporma sa edukasyon ang kalusugan ng isip.—mula sa ulat nina Sherylin Untalan/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
