Inihayag ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na ibabalik niya ang iconic na “Love Bus,” at magiging libre ang pamasahe, na sisimula sa Mindanao at Visayas.
''Magtatanong ako sa iba sa inyo... Naalala ba ninyo 'yung tinatawag “Love Bus”? Ito 'yung popular na pampublikong bus sa Metro Manila na sinimulan noong 1970s,'' sabi ni Marcos sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA 2025) nitong Lunes.
''Ngayon, hindi lang natin ibabalik ang Love Bus, ito ay gagawin pa nating libre. Pauna pa lamang, pilot testing pa lamang 'yung sa Davao at sa Cebu. Susundan pa ito sa iba pang lugar sa Visayas at Mindanao,'' pagpapatuloy niya.
Bumiyahe sa Metro Manila ang mga Love Bus noong mga 1970, na mga natatanging mga airconditioned bus noong mga panahon na iyon.
Itinigil ito makaraan ang ilang taon, matapos na hindi na kumita.
Noong 2023, ibinalik ang naturang marka ng love bus sa pampublikong transportasyon sa lungsod ng Makati. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

