Nagtamo ng sugat ang isang barbero matapos siyang saksakin ng customer na hindi umano nagustuhan ang kaniyang gupit sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang CCTV ng paghabol ng dalawang empleyado ng isang pagupitan sa isang lalaki.

Ang lalaki, may hawak na kutsilyo na kaniya umanong ginamit sa pagsaksak sa isang barbero.

Humantong ang habulan patungo sa Major Marcos Street ngunit hindi na inabutan ang salarin.

Maayos na ngayon ang kondisyon ng 44-anyos na barbero, na nagtamo ng sugat sa kaliwang pisngi.

Sinabi ng biktima na unang beses lang niyang nagupitan ang suspek.

“Noong ginupitan ko ng faded, ang sabi niya sa akin kasi noong ginugupitan ko, ‘Huwag mo nang bawasan ‘yung taas.’ Hindi ko po binawasan. Tapos pagtingin niya sa salamin, gumano’n gano’n (naghawi ng bangs) siya, sabi niya, ‘Bawasan mo na nga lang ang pangit ng bangs.’ Ginawa ko sir, binawasan ko sir. Bumalik siya ng upuan tapos nagbayad, umalis,” kuwento ng barbero.

Makalipas ang halos 30 minuto, bumalik ang suspek at doon na sinaksak ang barbero. 

Naiulat ang insidente sa Holy Spirit Police Station at tumawag din ang asawa ng biktima sa 911 hotline ng PNP.

Nadakip ang 27-anyos na lalaking suspek sa kaniyang bahay sa ikinasang follow-up operation ng pulisya. 

Nakuha ang kitchen knife na ginamit sa pananaksak ng suspek, na hindi kakilala ng biktima, ayon sa pulisya.

Iisang motibo ang kanilang nakikita sa krimen.

“Napag-alaman po namin na dahil po sa hindi nagustuhan ng suspek ang gupit niya, eh sinaksak niya itong biktima,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jefry Gamboa, Holy Spirit Police Station Commander.

“Dahil po ‘yung pinapagupit ko po sa kaniya, ‘yung katulad lang din po ng faded ‘yung sa likod, pero hindi ko po pinapabawasan ‘yung itaas. Pero ginupit niya pa rin po sa, kahit po labag po sa loob ko. Humihingi rin po ako ng tawad sa pagkakamali ko po. Hindi ko naman po sinasadya talaga eh,” sabi ng suspek.

Gayunman, desidido ang biktima at kaniyang asawa na ireklamo ng attempted murder ang suspek.

“Hindi ko siguro papatawarin sir. Pakukulong ko talaga siya,” sabi ng barbero.

“Dahil lang po sa buhok, ‘pag ‘di mo gusto makakapatay ka ng tao, makakapanakit ka ng tao ‘pag ‘di mo gusto ‘yung gupit ng barbero sa ‘yo,” sabi ng asawa ng biktima.

Batay sa record ng mga awtoridad, Mayo 2022 nang makasuhan na rin ang suspek ng attempted murder sa Valenzuela City. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News