Isang 59-anyos na may-ari ng pansitan ang hinoldap ng dalawang riding-in-tandem at natangayan ng mahigit P240,000 halaga ng kaniyang mga alahas sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang pagbaba ng apat na lalaki sakay ng dalawang motorsiklo sa tapat ng isang pansitan pasado 7 p.m.
Maya-maya pa, nagtakbuhan palayo ang mga tao matapos maglabas ng baril ang mga lalaki at holdapin ang may-ari ng kainan.
Sa isang kuha, makikitang nakikipambuno pa ang biktima sa dalawang salarin habang may nakatutok na mga baril sa kaniya.
Sa isa pang anggulo, iniabot ng biktima ang kaniyang mga alahas sa mga suspek na mabilis na umalis.
Natangay ng mga salarin sa loob lang ng 23 segundo ang nasa mahigit P240,000 na halaga ng kwintas at bracelet ng biktima.
Ayon sa biktima, siya talaga ang pakay ng mga salarin.
“Kasi ang kwintas ko, nakatago na sa loob ng pants ko eh. Sabay-sabay silang nagkasa ng baril. ‘Yung nawala sa akin, balewala, walang kwenta, ‘yung importante ‘yung buhay ko na hindi nila ako nagalaw,” sabi ng biktima.
Wala namang ibang naholdap at nasaktan sa insidente, ayon sa barangay.
Hihilingin naman ng mga establisimyento sa barangay na paigtingin ang kanilang pagroronda.
Sinabi naman ng barangay na marami silang tanod sa lugar ngunit wala silang kapasidad laban sa mga armas ng mga salarin.
Nagkataon ding halos katatapos lang magronda ng pulisya nang sumalisi ang dalawang riding-in-tandem.
“Magaganda ang baril, nakikita mo sa CCTV, talagang advanced. Ay kaso lang, mga barangay tanod ko eh walang mga baril yan,” sabi ni Barangay 526 chairman Menchie Par.
Patuloy ang follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District para madakip ang mga salarin. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
