Bilang paggunita sa Araw ng Quezon City at Araw ng Wika, ilulunsad ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario (na kilala rin bilang si Rio Alma) ang pinakabago niyang aklat ng mga tula na pinamagatang “Kanta Kay Josefina” sa Agosto 19, 2025.
Sa isang pahayag, sinabing isasagawa ang book launch sa “Pista ng Sining sa Ferndale” na gaganapin sa Ferndale Homes, Quezon City.
Ang Kanta kay Josefina ay inilathala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), isinalin sa Ingles ng makatang si Michael de Lara Co, at nilapatan ng sining ni Celeste Lecaroz.
Ang paglulunsad ng aklat ay bahagi ng mas malawak na pagdiriwang ng sining at panitikan na isinasagawa ng Ferndale Homeowners Association, bilang paggunita sa Araw ng Quezon City at Araw ng Wika, at pag-alala sa kaarawan ni Manuel L. Quezon.
“Gusto naming ipakita ang makasining at makakulturang mukha ng aming komunidad,” ayon kay Atty. Felipe Cruz, presidente ng Ferndale Homeowners Association.
“May mga doktor, inhinyero, at propesyonal sa Ferndale, ngunit ipinagmamalaki rin naming may mga guro, artista, at manunulat sa aming hanay,” dagdag niya.
Bukod sa aklat ni Almario, ilulunsad din sa parehong araw ang dalawang iba pang aklat ng tula na “Dog Country,” na koleksyon ng satirikong tula ni Atty. Marvin Aceron, inilathala ng San Anselmo Press, at “Tokhang-Tokhague,” antolohiya ng tula hinggil sa extra-judicial killings (EJK), inedit nina Mia Jalandoni Sumulong at Sejo Esguerra, may pabalat ni Paul Eric Roca, at inilathala ng Librong LIRA.
Ang mga pangunahing aktibidad ay magaganap mula 4:00 hanggang 6:00 ng hapon sa Ferndale Homes Clubhouse at bukas sa publiko.
Tampok din sa Pista ng Sining ang pagbubukas ng art exhibit, inagurasyon ng silid aklatan, at mini book fair. Magkakaroon din ng visual arts workshop, na pangungunahan ng batikang pintor na si Maestro Fernando Sena. – FRJ GMA Integrated News

