Isang lalaki ang nahuli-cam na tumangay ng halos P7,000 halaga ng mga paninda mula sa isang natutulog na tindera sa Maynila.
Nangyari ang insidente sa Dagupan Creekside sa Barangay 49 sa Tondo nitong Linggo ng umaga.
Sa kuha ng CCTV, nakitang may isang lalaking napadaan sa lugar.
Tila kumuha pa siya ng tiyempo at dahan-dahang tinangay ang malaking bag ng biktima na naglalaman ng mga sari-saring paninda tulad ng mga pangtali sa buhok at mga plastic.
Sa mga susunod na kuha ng CCTV, nakitang tila balisa ang isang babae. Ilang beses siyang nahagip sa video na nagpabalik balik at tumatakbo.
Natangayan pala siya ng halos P7,000 na halaga ng mga paninda.
Ayon sa 32-anyos na biktima, dahil sa pagod, nakaidlip siya sa tabi ng kanyang rolling cart.
Magdamag daw kasi siyang nagbantay sa palengke at maglalako naman sana siya pagsapit ng hapon.
Ang problema, inutang niya lang daw sa kanyang kapitbahay ang puhunan dito para may maipangkain ang kanyang pitong anak.
Nananawagan siya ngayon ng tulong sa Manila local government unit na mabigyan siya ng puhunan at puwesto para makapagtinda.
Sabi naman ng Barangay, bagamat hindi nila residente ang biktima, handa silang magbigay ng tulong sa kanya.
Nakikipag-ugnayan rin daw sila sa iba’t ibang barangay na posibleng nakakakilala sa salarin.
Nananawagan din ang Barangay na agad makipag-ugnayan sa kanila sa oras na may makakilala sa lalaki na tumangay sa mga paninda ng biktima. —KG GMA Integrated News
