Natangay umano ng scammer ang life savings sa bank accounts ng isang senior citizen matapos na ipa-download sa kaniya ang isang app na inakala niyang sa Social Security System (SSS) pero sa scammer pala.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News Unang Balita nitong Martes, makikita ang kumakalat ngayong post sa social media tungkol sa perang pinaghirapan at inipon nang matagal ng biktima ngunit naglahong parang bula.
Ayon sa anak ng biktima, isang nagpakilala umanong empleyado ng SSS ang tumawag sa kaniyang ama 11 a.m. noong Huwebes.
Inilahad umano ng babae na may update ang SSS app na hindi na kailangang pumila pa sa branch para makakuha ng Payment Reference Number o PRN, na nagkataong kailangan daw noon ng senior citizen na biktima.
Ipinadala ng babae sa e-mail ng senior citizen ang link para ma-download ang app na kailangang i-install. Pero pagsapit ng tanghali, hindi na umano ma-contact ng nag-post ang kaniyang tatay kaya pinuntahan niya ito.
Hindi pa man tapos ma-install ang app kahit noong pasado 1 p.m. nagduda na siya na posibleng scam ito. Dahil dito, sinubukan niyang i-turn off o i-reset ang cellphone ng ama ngunit hindi na ito gumagana at ayaw ding mag-screenshot kahit pinipindot nila.
Natigil lang ang app installation nang alisin na niya ang SIM.
Nang i-check ang mga bank account ng ama, dito na nalamang nalimas na pala ang pera ng biktima kahit wala silang ibinigay na personal na detalye o kahit one-time password o OTP.
Inalis na nila sa phone ang app installer, ini-report sa mga bangko ang mga transaksyon, pina-block ang mga card at nagpalit ng passwords at PIN.
Nagpaalala naman ang Social Security System na hindi sila tumatawag o nagpapadala ng mensahe para mag-alok ng espesyal na pribilehiyo kapalit ng pag-update ng MySSS o SSS mobile app.
Ayon sa isang cyber security professional, maaaring remote access trojan ang malware o malicious software na ipina-download ng tumawag kaya tila na-takeover ng scammer ang cellphone ng biktima.
“When installed in your phone or in your laptop, the threat actor will have full access to your device and can even prevent the owner to operate the device. Nakikita niya lahat, nana-navigate niya kung saan siya pupunta. ‘Pag may pumasok na OTP, pupunta siya roon sa message, makikita niya,” sabi ni Angel Redoble, cyber security professional.
Nagpaalala ang mga awtoridad na huwag kumagat sa mga text o tawag lalo ng mga taong hindi kilala.
Umaasa ang Philippine National Police - Anti-Cybercrime Group na lalapit sa kanilang tanggapan ang biktima para matulungan nila. –Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
