Inihayag ng tagapagsalita ng Kamara de Representantes na nasa Amerika si Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co para magpagamot.
Sinabi ito Atty. Princess Abante bilang tugon sa mga katanungan tungkol sa kinaroroonan ni Co, na dating chairman ng Appropriation committee, at nanguna sa panig ng Kamara sa pagtalakay at pag-apruba sa 2025 national budget noong nakaraang taon.
Matapos na muling mahalal nitong nakaraang eleksyon sa Mayo, hindi pa nagpapakita sa Kamara si Co mula nang magsimula ang sesyon ng 20th Congress nitong nakaraang Hulyo.
“Based on my initial inquiry before the Office of the House Secretary General [Reginald Velasco], he is currently out of the country,” sabi ni Abante sa mga mamamahayag.
“I understand he is in the United States for medical treatment, with appropriate travel documents,” dagdag ni Abante.
Gayunman, sinabi ni Abante na wala pa siyang impormasyon sa mga petsa ng travel authority o clearance na ibinigay kay Co.
Nagbitiw si Co sa kaniyang puwesto bilang chairman ng appropriations panel nitong nakaraang Enero dahil sa usapin ng kalusugan.
Kamakailan lang, inakushan ni Navotas Representative Tobias Tiangco na si Co umano ang nagsulong na isama ang bilyun-bilyong halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng P6.3 trilyong pambansang budget para sa 2025.
Nais ni Tianco na ipatawag si Co kaugnay sa isinasagawa ngayong imbestigasyon ng Kamara tungkol sa umano’y mga maanomalyang flood control projects.
Gayunman, sinabi ni House Infra Comm lead chairperson at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, na iimbitahin si Co kung mayroong mapatutunayang impormasyon na may kaugnayan ang mambabatas sa mga maanomalyang proyekto.
Si Co ay dating bahagi ng Sunwest Corporation, ngunit umalis na umano sa kompanya mula nang tumakbo siyang mambabatas noong 2019.
Ang Sunwest Corporation ay isa sa nangungunang 15 kontratista na nakakuha ng mahigit P500 bilyong halaga ng mga proyekto sa flood control projects na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. – mula sa ulat nina Llanesca T Panti/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

