Idineklarang bakante ang posisyon bilang Senate President na hawak ni Senador Francis “Chiz” Escudero ngayong Lunes, at kinalaunan ay ipinalit si Senador Vicente “Tito” Sotto III bagong pinuno ng kapulungan.
Sa sesyon nitong Lunes ng hapon, nag-mosyon si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na ideklarang bakante ang posisyon ng Senate president. Dahil walang komontra, inaprubahan ito ni Escudero na namuno pa sa sesyon.
Kasunod nito, ninomina ni Zubiri si Sotto na gawing Senate president na inilarawan niyang “leader of great integrity.” Sinegundahan ni Sen. Loren Legarda, ang nominasyon, at walang tumutol.
“With Senator Sotto as senate president, the Senate is in good hands,” ani Zubiri.
Inaprubahan naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang naturang mosyon, at walang tumutol na naging daan upang opisyal na italaga si Sotto na bagong lider ng Senado.
Una rito, sinabi ni Sotto na mayroong 15 senador ang sumuporta na magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing base sa isang source, ang mga sumuporta para maging Senate president muli si Sotto ay sina Sens. Ping Lacson, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Loren Legarda, Kiko Pangilinan, Camille at Mark Villar, Pia Cayetano, Erwin at Ruffy Tulfo, Miguel Zubiri, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, at JV Ejercito.
Bago ang pagpapalita ng liderato, sinabi ni Sotto na si Zubiri ang magiging susunod na majority leader, para palitan si Sen. Joel Villanueva.
Habang si Sen. Panfilo “Ping” Lacson naman ang papalit kay Sen. Jinggoy Estrada bilang Senate president pro tempore.
Dahil sa pagbabago sa liderato ng Senado, inaasahan na posibleng magkaroon din ng mga pagbabago sa mga pinamumunuan komite ng mga senador.
Nitong nakaraang July 28, nang mahalal muli si Escudero na Senate president, habang napili namang Minority leader si Sotto. --- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News
