Natangayan ng mahigit P3 milyon halaga ng alahas at pera ang dalawang alahero sa Taguig City. Ayon sa isa sa mga biktima, kasama sa mga holdaper ang isang nakatransaksiyon nila online.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang pagsalpok ng kotse at motorsiklo sa Barangay Ibayo Tipas nitong Martes.
Ayon sa barangay, mga holdaper ang magkaangkas sa motorsiklo.
Bago nito, mapanonood sa CCTV na hinahabol ang dalawang lalaking biktima ng apat na salarin, kung saan nakasakay sa dalawang motorsiklo ang tatlo sa kanila.
Ilang saglit pa sa isang anggulo, makikitang tumatakbo ang holdaper habang tinututukan ng baril ang biktima. Nadapa ang biktima at nabitawan ang kaniyang bag, na agad kinuha ng kawatan.
Bago umangkas sa motorsiklo, makikitang may kinuha pa ang holdaper mula sa kamay ng biktima.
Sinabi ng barangay na isang alahero ang biktima na nagtungo sa lugar para makipagkita sana sa isang lalaki na nakausap niya online na nagbebenta rin umano ng mga ginto.
Hinala ng alahero, kasama sa mga humoldap sa kaniya ang isa sa mga nakausap niya online.
“Ang initial po sa amin, ang sabi ay mahigit tatlong milyon. Mas maganda po pagkaganiyan, paalala ko lang sa mga nago-online selling, lalo kung malalaking halaga ang dala na nilang pera, makipag-coordinate sila sa kinauukulan, kahit sa barangay o sa pulis,” sabi ni German Sagat, hepe ng BSF ng Barangay Ibayo-Tipas.
Sa isa pang kuha, papatakas na sana ang dalawa sa mga holdaper nang salpukin sila ng driver ng biktima.
Iniwan umano nila ang kanilang motor at tumakbo papalayo.
Sa isa pang anggulo, makikita ang mga holdaper na tinutukan ng baril ang isang rider at mabilisang inagaw ang kaniyang motorsiklo.
Ikinuwento ng alaherong biktima sa kaniyang post online na tinutukan din ng baril ng mga holdaper ang kanilang driver kaya hindi na niya nahabol ang mga ito.
Una ring nakuhanan ng bag ang isa pang kasama niyang alahero, na natangayan naman ang mahigit P100,000.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng Taguig City Police Station sa para madakip at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga holdaper. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
