Balik-kulungan ang isang lakaki na suspek sa panghoholdap kasama ang isa pang lalaking nanutok ng baril sa kanilang biktima sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal Lunes ng gabi.

Sakay ng motorsiklo ang mga suspek nang harangin ang dalawang lalaking biktima sa may Tapayan Bridge, ayon sa pulisya.

“Armed with the 45 caliber pistol, nagdeclare sila ng holdap and then they divested yung mga personal belongings ng mga victims, nakuha sa mga victims natin yung cellphones and then cash," ayon kay Police Liuetnant Colonel Marlo Solero ng Taytay Police.

Matapos ang pagnanakaw, tumakas ang mga suspek na nakorner ng pulis makalipas ang mahigit sampung minuto sa bahagi ng C6 Road kung saan naganap ang enkwentro.

“Nagkaroon ng short chase and then nung ma-corner yung mga suspect natin, bumaba sila sa motorsiklo and they open fire sa mga pulis natin kaya nagkaroon ng armed confrontation that resulted to wounding of the suspect na siya yung pumuputok dun sa pulis natin. Tinamaan yung suspect dito sa bandang leeg na nag exit sa bandang pisngi niya," ayon kay Solero.

Isinugod sa Ospital ang 39-anyos na sugatang suspek.

Inaresto naman ang kasama niyang 20-anyos na nagmamaneho ng ginamit nilang motorsiklo.

Narekober sa kanila ang ginamit na baril at mga bala nito, gayundin ang sinakyan na motorsiklo.

"Itong mga suspek natin, ito yung mga notorious dun sa area na yun, mga nanghoholdap sa mga dumadaan dun. may mga kakilala silang ganun din ang ginagawa nung gabi na yun may revelation sila na may iba pang grupo na may plano ring mangholdap," dagdag pa ni Solero.

Aminado sa krimen ang naarestong construction worker na nakagawa raw ng krimen dahil sa kahirapan.

“Dahil lang po sa pangangailangan po yun. May sakit po kasi yung nanay ko po eh. Niyaya lang din po niya ako para magkapera po dun. Pasensiya na lang po sila sa mga nagawa ko po. Nagipit lang po ako," ayon sa suspek.

Ayon sa kanyan, dati na siyang nakulong dahil sa kasong carnapping at nakalaya noong 2023.

Nagpapagaling pa sa ospital ang sugatang suspek.

Sasampahan ang dalawnag suspek ng robbery resulting in armed confrontation, frustrated murder at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition. —LDF GMA Integrated News