Timbog ang isang 43-anyos na construction worker dahil sa pangmomolestiya umano sa kaniyang stepdaughter sa Jalajala, Rizal.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagsilbi ng mga operatiba ng La Loma Police Station ng arrest warrant sa akusado para sa kasong lascivious conduct in relation to Republic Act 7610 or Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Nahanap siya sa kaniyang trabaho sa Banawe Street sa Quezon City.

“‘Yung confidential informant po namin nagsumbong na itong suspect ay mangongontrata ng pagkakarpintero sa bahay malapit sa NS Amoranto. Doon na po namin siya inabangan. Nagtago po siya dito kasi dito na po siya nangongontrata ng pangangarpintero para hindi po siya malaman, maitago niya 'yung kaniyang identity,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, La Loma Police Station commander.

Batay sa pulisya, inabuso umano ng akusado ang kaniyang stepdaughter noong Enero.

“Based sa naging statement ng biktima, namolestiya siya dahil lasing na lasing ‘yung amain niya. Buti na lang nakatakbo siya at nagsumbong sa nanay niya,” sabi ni Aguirre.

Itinanggi ng akusado ang pagtatago.

“No comment po ako sir,” sabi ng akusado kaugnay naman sa alegasyon ng pangmomolestiya.

Nakapag-return of warrant na ang kapulisan at hinihintay na lang ang commitment order mula sa korte. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News