Hinimok ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Kongreso na unahin ang pagpasa ng Anti-Dynasty Bill at ang panukalang Independent People's Commission (IPC) Act.

Ito ang kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes kasunod ng isang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malacañang.

Ilang mga panukla ang kapwa inihain sa Kamara at Senado na naglalayong ipatupad ang probisyon ng 1987 Konstitusyon na nagbabawal sa mga dinastiyang pampulitika.

Noong 2022 presidential campaign, sinabi ni Marcos na "not necessarily bad" ang mga dinastiyang politikal.

Dalawang panukalang batas naman sa Senado na nagmumungkahi ng pagbuo ng IPC. Naglalayon ang mga ito na magtatag ng isang permanente, independiyente, at walang kinikilingang komisyon na mag-iimbestiga sa mga umano'y anomalya't katiwalian sa mga proyektong pang-impraestraktura.

Bago nito, sinabi ni Castro na maaaring magsanib ang mga tungkulin ng isinusulong na IPC sa Office of the Ombudsman at ng Department of Justice, dahil titingnan din nito ang katiwalian na may kaugnayan sa impraestraktura.

Bukod sa dalawang hakbang na ito, hinimok din ni Marcos ang mga mambabatas na unahin ang pagpasa ng Party-list System Reform Act at ang Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na naglalayong gawing institusyonal ang transparency at accountability sa pampublikong pananalapi.

Hiniling ni Marcos sa magkabilang kapulungan ng Kongreso na suriing maigi ang apat na panukalang batas at bilisan ang pagpasa ng mga ito.

Dumalo sa pagpupulong ng LEDAC sina Senate President Vicente "Tito" Sotto III, House Speaker Faustino Dy III, Majority Leader Ferdinand Alexander "Sandro" Marcos, at iba pang mga pinuno ng kongreso.

Tinalakay din ng konseho ang mga takdang panahon ng pagpasa ng General Appropriations Bill at ang pagsusumite ng naka-enroll na panukalang badyet para lagdaan ng Pangulo.

Wala pang ibinigay na detalye kung kailan inaasahang pipirmahan ni Marcos ang panukalang batas sa badyet para sa 2026. — VDV GMA Integrated News