“Nagpadala na kami ng aming request for inclusion sa red notice kay Zaldy Co noon pa nong November 23,” sabi ni Mallari sa GMA News Online.
Dagdag niya, kasalukuyan nang sinusuri ng Interpol ang kahilingan.
Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang taong hinahanap ng isang humihiling na miyembrong bansa o isang internasyonal na tribunal habang hinihintay ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.
Idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang isang "fugutive from justice" at iniutos ang kanselasyon ng kaniyang pasaporte dahil sa mga kasong malversation at graft kaugnay ng P289 milyong substandard na proyekto sa dike sa kalsada sa Oriental Mindoro.
Samantala, sinabi ni Mallari na mayroon silang mga lead sa huling lokasyon ni Co ngunit tumanggi nang magbigay ng karagdagang detalye upang hindi makompromiso ang kanilang paggalaw.
Sinabi rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Huwebes na nagsimula na itong makipag-ugnayan sa Portugal, dahil pinaghihinalaang may Portuguese passport si Co.
“Ang alinlangan lang namin diyan ay kung totoo ‘yung balita na may Portuguese passport siya, magiging mas komplikado ang bagay,” sabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla.
Naglabas na ng mga warrant of arrest laban kay Co at sa iba pa, kabilang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga direktor ng Sunwest Corp. dahil sa maanomalya umanong mga proyekto sa flood control.
Noong Nobyembre 18, nagsampa ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at sa iba pa.
Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa umano'y maanomalyang P289 milyong proyekto sa pagkontrol ng baha sa Oriental Mindoro. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News

