Malubhang nasugatan ang isang Japanese national na 62-anyos matapos siyang atakihin ng kawatan upang makuha ang kaniyang cellphone at bag na may pera sa Parañaque City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, ipinakita ang nag-viral na video na nakatumba ang biktima habang pilit na inaagaw ng kawatan ang kaniyang bag.
Sa huli, nakuha ng kawatan ang mga gamit ng biktima na duguan ang mukha nang marespondehan dahil sa mga palo na tinamo mula sa nakatakas na suspek.
Ayon sa pulisya, may concerned citizen na nag-report tungkol sa nakitang dayuhan na duguan sa lugar.
Posible umanong nagbi-bird watching ang biktima sa wetland park area nang mangyari ang insidente dakong 11 a.m. noong Sabado.
Bukod sa mobile phone, nakuha ng kawatan ang pera ng biktima na P30,000 at 30,000 Yen (nasa P11,500), pati na ang kaniyang Japanese passport.
Nahirapan umano ang mga awtoridad na makipag-usap sa dayuhan dahil hindi lubos na makakaunawa ng Ingles.
Ayon sa barangay officials, nagkaroon ng crack sa bungo ng biktima, maga ang mata, at nagkaroon ng hati ang isang tainga na kailangang tahiin sa ospital.
Tinutugis na ng mga pulis ang salarin.— FRJ GMA Integrated News
