Inihayag ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC), na "fit to stand trial" o kaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis ng korte.
Sa ulat ng GMA New 24 Oras nitong Lunes, sinabing inihayag ng naturang chamber ng ICC na kaya ni Duterte na lumahok sa mga pagdinig kaugnay sa kinakaharap niyang crime against humanity dahil sa kaniyang war on drugs campaign na marami ang nasawi.
Sa 25-pahinang desisyon, ibinasura na ng ICC indefinite adjournment na hiniling ng kampo ng dating pangulo.
“Read holistically, and in light of the cognitive abilities that Professor [REDACTED] is of the opinion that Mr. Duterte possesses, the Chamber is satisfied that Mr. Duterte does have the ability to understand the charges against him and is able to effectively exercise his procedural rights,” batay sa desisyon.
Matatandaan na unang hiniling ng kampo ni Duterte ang indefinite adjournment sa pagbasa ng sakdal laban kay Duterte noong August 2025, sa dahilan umano na "not fit to stand trial as a result of cognitive impairment,” ang dating pangulo.
Itinakda ang pagdinig ngunit hindi natuloy noong September 23, matapos itong ipagpaliban ng korte batay sa hiling ng kampo ni Duterte. Ngunit kasama rito na kailangang isailalim sa masusing pagsusuri ang kakayanan ng dating pangulo.
Ayon sa ICC, ang tatlong miyembro ng panel ng sumuri kay Duterte ay binubuo ng isang eksperto sa forensic psychiatry, isang eksperto sa geriatric at behavioral neurology na may karanasan sa pagsusuri ng kakayahan ng mga matatanda na humarap sa paglilitis, at isang eksperto sa neuropsychology.
Binanggit din na personal na kinapanayam ng mga duktor at eksperto si Duterte. Ayon pa sa chamber, isinasaalang-alang ng mga eksperto ang personal at medikal na kasaysayan ni Duterte, nagsagawa ng pagsusuri sa kalagayang pisikal at kaisipan, at nagsagawa rin ng cognitive testing.
Itinakda na ang pagpapatuloy ng pagdinig sa darating na February 23, 2026 para sa confirmation of charges hearing o pagbasa ng kaso laban kay Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ng abogado ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na dismayado sila sa desisyon dahil hindi umano sila nabigyan ng pagkakataong magharap ng sarili nilang ebidensiyang medikal kaugnay sa kalagayan ng dating pangulo.
“The Defence is disappointed that, contrary to accepted practice, it was denied the opportunity to present its own medical evidence and to question, in court, the contradictory findings of professionals selected by the judges. The Defence will seek leave to appeal this decision and argue that Mr Duterte was denied due process," ani Kaufman. – FRJ GMA Integrated News
