Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Police Brigadier General Randulf Tuaño nitong Martes na binuo na ang isang special investigation task group (SITG) para tutukan ang kaso.
“Ang una pong anggulo na tinignan po natin 'yung local tension po o hidwaan kaugnay ng lokal na politika na nag-resulta po sa pagha-hire ng mga gun for hire sa locality,” sabi ni Tuaño sa isang panayam sa Unang Balita.
“Lumutang po 'yung possible anggulo ng retaliation na kung saan tinitignan po nila, bagama’t hindi ito ay hindi kumpirmado pa po, ‘yun pong retaliation na kung saan ka-apelyido ng mga grupo ng suspek na deceased po ngayon, ay ‘yun po nagkaroon po ng insidente na patayan,” dagdag niya.
Security detail
Tinugunan din ni Tuaño ang mga pahayag ni Ampatuan na nakatanggap ito ng mga pagbabanta matapos bawiin ang kaniyang security detail bago ang pananambang.
Inatasan ang mga miyembro ng SITG na personal na makipagkita sa alkalde para beripikahin ang kaniyang mga paratang at para masuri ang mga posibleng persons of interest.
Ayon pa kay Tuaño, ang pinakabagong pag-atake ang ikaapat na tangkang pananambang laban kay Ampatuan.
Binanggit niya ang mga nakalipas na insidente kabilang ang pagsabog ng bomba sa gilid ng kalsada noong 2010, isang pananambang noong 2014 na kung saan lima katao ang sugatan, at isa pang pananambang noong 2019 na ikinasawi ng dalawa katao.
May mga insidente umano ng panggigipit laban sa alkalde na naiulat din noong Hulyo at Disyembre 2025.
Kinumpirma ng mga awtoridad na gumamit ng mga rocket-propelled grenades (RPGs) sa pinakabagong pag-atake.
Sinabi ni Tuaño na patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang pinagmulan ng mga armas at umaasa na maglalabas ang SITG ng kanilang mga inisyal na natuklasan nitong linggo.
Nakatakdang irekomenda ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang pagtangal sa posisyon ng hepe ng pulisya ng Shariff Aguak dahil sa posibleng mga kakulangan sa seguridad sa bayan, ayon sa opisyal ng PNP.
Linggo ng umaga nang tambangan ng mga armadong lalaki ang convoy ni Ampatuan habang pauwi na siya. Bagama't ligtas ang alkalde, dalawa sa kaniyang mga security escort ang sugatan sa sagupaan.
Patay ang apat na suspek sa isang hot pursuit operation matapos ang pananambang, ayon sa pulisya. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
