Nadakip na ang suspek sa pamamalo at pagnanakaw sa isang 62-anyos na Japanese sa Barangay San Dionisio, Parañaque.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang suspek sa kaniyang tinitirahan.
Nabawi sa kaniya ang passport at mga ID ng Japanese, pero wala na ang pera.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.
Bago nito, nahuli-cam ang insidente mula sa malayo ang ilang beses na paghataw ng suspek sa ulo ng biktima.
Ilang saglit pa, kinuha na ng suspek ang bag ng Japanese saka naglakad palayo.
Pagkaresponde ng pulisya, makikitang duguan ang ulo ng biktima pati ang kaniyang damit.
Dinala ang biktima sa ospital.
Nakita rin sa lugar ang ginamit na dos-por-dos sa paghampas sa kaniya.
Sinabi ng pulisya na natangay ng suspek ang cellphone ng biktima at bag na may P30,000. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
