Ang pagkaputol ng "lashing" o bakal na tali sa mga sasakyang karga nito ang posible umanong dahilan ng pagtagilid at paglubog ng RORO na MV Trisha Kerstin 3 sa Basilan nitong Lunes, ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso.

“Sa tingin ko, 'yung sinasabi nilang pumutok, baka 'yung lashing materials, 'yung tumatali sa masasakyan,” sabi ni Olaso sa panayam kay Jonathan Andal ng GMA Integrated News.

“Kasi 'pag humampas 'yun, malakas 'yun eh. So baka 'yun ang maaaring naputol at nag-give way and bumangga. So 'yun ang commotion ng ingay doon na sinasabi nila. Malakas naman talaga kasi 'pag tumama 'yun sa bakal, talagang steel to steel,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Olaso, posibleng hindi kinaya ng lashing materials habang nagro-rolling ang barko at mabigat o overcapacity ang truck.

“Noong gumalaw 'yung mga rolling cargo, nagkaroon siya ng sudden release 'yung barko, and accordingly nagkaroon ng water ingress,” sabi pa ng alcalde.

“So hindi ma-determine kung ano talaga 'yung problema, basta may pumutok na parang malakas sa ibaba, then tumagilid 'yung barko kaagad,” dagdag ni Olaso.

Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na grounded o ipinatitigil sa paglalayag ang buong fleet ng Aleson Shipping Lines matapos lumubog ang M/V Trisha Kerstin 3 roll-on/roll-off (RORO) ferry nito sa karagatan ng Basilan

“Ngayon i-announce din namin, now we are grounding the entire passenger fleet of Aleson Shipping Lines,” sabi ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez sa isang press conference.

“And I'm asking MARINA to conduct maritime safety audit together with Philippine Coast Guard kasama ng inspection hindi lang po ng kanilang barko, kasama na rin po ng kanilang mga crew,” dagdag pa niya.

Ayon sa DOTr, umabot na sa 18 katao ang kumpirmadong patay at 10 iba pa ang nawawala mula Lunes ng gabi.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News