Inilibing na ang napatay na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at ang kaniyang walong taong gulang na anak na si John Ysmael sa Heritage Memorial Park sa Taguig City nitong Huwebes, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Bago ang kanilang paglilibing sa memorial park, sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na isinagawa ang isang memorial Mass sa St. Joseph Parish sa loob ng Camp Bagong Diwa.
Nagtrabaho si Mollenido sa Regional Personnel and Record Management Section ng NCRPO.
Noong Enero 24, natagpuan ang bangkay ni Mollenido sa Pulilan Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.
Makaraan ang limang araw, o Enero 29, natagpuan ang katawan ni Ysmael sa isang taniman ng kalamansi sa isang farm-to-market road sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac.
Pinatay ang dalawa matapos sumablay ang transaksiyon sa pagbebenta ng kotse sa Quezon City noong Enero 16, ayon sa pulisya.
Isang reklamo para sa dalawang count ng robbery with homicide and theft ang inihain sa Prosecutor’s Office ng Quezon City laban sa tatlong suspek, kabilang ang isang ahente ng kotse, kaniyang partner, at isang kasabwat.
Isa pang babaeng suspek, na kapatid ng asawa ng ahente ng kotse, ang sumuko sa mga awtoridad kamakailan at nakatakdang i-refer sa Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.
Isang reklamo para sa obstruction of justice ang isinampa laban sa dating asawa ni Mollenido at ama ni Ysmael na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido. Kasalukuyan siyang nasa ilalim ng restrictive custody at nakatakdang humarap sa mga kaukulang kasong administratibo. —VBL GMA Integrated News

