Tiyak nang magiging abala si Alexandra “Alex” Eala sa kaniyang mga laban sa tennis hanggang sa Marso matapos mapasama sa listahan ng mga maglalaro para sa Indian Wells Open (BNP Paribas Open).

Idaraos ang Indian Wells Open mula sa Marso 4 hanggang 15, bago ang Miami Open na gaganapin naman mula Marso 17 hanggang 29.

Kabilang ang mga Grand Slam champion sa mga kasali sa Indian Wells na kinabibilangan nina Aryna Sabalenka, Iga Swiatek, Elena Rybakina, Naomi Osaka, Jelena Ostapenko, Barbora Krejcikova, Emma Raducanu, at Madison Keys.

Kasama rin sa listahan ng mga maglalaro ang mga dating nakalaban na ni Eala gaya nina Ekaterina Alexandrova, Maya Joint, Cristina Bucsa, Janice Tjen, at Victoria Mboko.

Pagkatapos ng kaniyang kampanya sa ginaganap pang Abu Dhabi Open, kung saan pasok na sila ng katandem na si Janice Tjen ng Indonesia semifinals ng doubles tournament, inaasahang sunod na sasabak si Eala sa Qatar Open, at susundan ng Dubai Tennis Championships.

Ayon sa website ng WTA, kasalukuyan nakalista si Eala bilang qualifier para sa Dubai.

Simula noong Enero, sunod-sunod na ang laban ni Eala gaya ng ASB Classic na umabot siya sa semifinals, bago itinanghal na kampeon ng Kooyong Classic exhibition tournament.

Maaga naman siyang napatalsik sa Australian Open, pero umabot naman sa quarterfinals sa katatapos lang na Philippine Women's Open.

Sa Abu Dhabi Open, umabante siya sa quarterfinals pero nabigo kay Ekaterina Alexandrova.—FRJ GMA Integrated News