Binatikos ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte nitong Sabado ang pinakabagong reklamo ng impeachment na isinampa laban sa kaniya, na sinabing wala itong kalakip na ebidensya na nagpapatunay ng mga paratang laban sa kaniya at pamumulitika lamang.

Inilabas ni Duterte ang video message sa kaniyang Facebook page, isang araw matapos pormal nang ipasa ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil ang dalawang reklamo ng impeachment laban kay Duterte sa Tanggapan ng Speaker na si Faustino “Bojie” Dy III.

Ang unang beripikadong reklamo ng impeachment ay isinampa ng mga miyembro ng Makabayan Coalition at inendorso nina ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Representative Sarah Jane Elago, at Kabataan Party-list Representative Renee Louise Co.

Kabilang sa mga nagrereklamo ay ang mga kasalukuyan at dating progresibong mambabatas at lider kabilang sina France Castro, Arlene Brosas, Liza Maza, Neri Colmenares, Renato Reyes Jr., Raymond Palatino, at iba pa.

Ang ikalawang impeachment complaint ay inendorso nina Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima at Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña.

Ang mga petitioner ay mula sa mga progresibong organisasyon at civil society groups kasama sina Francis Joseph "Kiko" Aquino Dee, Sylvia Estrada Claudio, Teresita Quintos Deles, dating Ifugao representative na si Teodoro Baguilat Jr., at labor leader Josua Mata, bukod sa iba pa.

Sa kaniyang mensahe, binanggit ng Bise Presidente ang impeachment complaint na inendorso ng Akbayan.

“Ang impeachment complaint na inendorso ng Akbayan ay isang papel na walang kalakip na kahit anong ebidensiyang magpapatunay sa mga paratang na isinasaad dito,” sabi niya.

“Hindi na ito bago. Matatandaan na ang impeachment laban sa akin ang naging sagot nila sa aking pag-alis sa Gabinete—isang hakbang na isinagawa dahil hindi na maipaliwanag ng Pangulo ang patuloy na pagkalugmok ng bayan sa kahirapan dulot ng kanyang kapabayaan at bisyo,” dagdag pa niya.

Sa isang pahayag, kinutya ni Akbayan President Rafaela David ang paglalabas ni Duterte ng isang video message, na sinabi na bagama’t tinawag ng Bise Presidente ang reklamo bilang isang bagay na walang merito, “it rattled her enough to release a video message.”

'Mary Grace Piattos'

Binalikan din ng Bise Presidente ang imbestigasyon ng 19th Congress, na inilarawan niya bilang isang "fishing expedition" para sa planong impeachment laban sa kaniya.

“Paulit-ulit nilang ibinandera ang isyung ‘Mary Grace Piattos’ bilang umano’y bahid ng katiwalian, kahit na sa lahat ng imbestigasyon ay wala silang naipakita kahit isang paglabag sa paglabas sa paggamit ng confidential funds,” saad ni Duterte.

Nauna nang sinabi ng defense team ni Duterte na handa itong ipaliwanag ang paggamit ng mga alyas para sa confidential funds, gaya ni “Mary Grace Piattos” na naging isa sa mga basehan ng impeachment complaints na inihain laban sa kaniya.

Nilinaw kalaunan ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng mga abogado ni Duterte, na ang sikat na "Mary Grace Piattos" ay hindi ipepresenta bilang bahagi ng kanilang depensa.

Sa kaniyang mensahe sa video, binanggit din ng Pangalawang Pangulo ang umano'y pagbili ng mga pirma para sa kaniyang impeachment at ang tinatawag na "for later release" funds na ipinangako sa mga miyembro ng mababang kapulungan na magsusulong ng impeachment, na aniya'y inamin na ng ilang mambabatas sa kanilang mga pahayag.

Harassment umano

Sinabi pa ni Duterte na walang kredibilidad ang Akbayan na mag-endorso o magsumite ng reklamong impeachment, at idinagdag na ang kanilang pinuno na si Senador Risa Hontiveros ay paulit-ulit na nagpahayag ng intensyong tumakbo bilang pangulo, na aniya'y "isang malinaw na indikasyon ng pampulitikang motibo sa likod ng kanilang mga hakbang."

Binanggit ng Bise Presidente ang talumpati ni Hontiveros noong 2024, kung saan sinabi ng senador na “while VP Sara is in power, the threat of a full-blown Duterte comeback is still a very real and present danger. For one, they are supported by one major superpower, China.”

"Kaya malinaw na lahat ng ito ay isang uri ng harassment at pang-aabuso sa proseso ng impeachment ng grupong Akbayan. Hindi malinaw kung ano ang ipinaglalaban nila para sa kaayusan ng bayan, ngunit napakalinaw ng kanilang pamumulitika at pagpapahirap sa paggamit ng diplomasya ng ating bansa," sabi ni Duterte.

Gayunman, sinabi ni David, “How can something she insists is baseless harass her? Ano ba talaga, ate? Her video doesn’t project confidence, it reeks of fear, poorly disguised as bravado.”

Sinabi rin ng pinuno ng Akbayan na ang ginawa ni Duterte ay "not to answer the serious charges, but to desperately attack us and our Chair Emeritus, Senator Risa Hontiveros."

“Sa huli, ang tunay na laban ay hindi lamang laban ng iisang tao o iisang grupo—ito ay laban para sa katotohanan at sa dangal ng ating bansa. Nawa’y magsilbi itong paalala sa ating lahat na ang kapangyarihan ng impeachment ay hindi dapat ginagawang sandata ng pulitika, kundi isang banal na proseso para sa hustisya at pananagutan. Sapagkat kapag nanaig ang abuso, ang tunay na talunan ay ang sambayanang Pilipino,” sabi ni Duterte.

Nakipag-ugnayan ang GMA News Online kay Hontiveros para makuha ang kaniyang komento at ia-update ang balitang ito kapag naglabas na siya ng pahayag.

Samantala, sinabi ni David na natatakot na si Duterte dahil “the prospect of Congress impeaching her again grows more real by the day.”

“The Senate, under Senate President Tito Sotto, is ready to do its constitutional duty if the articles reach it,” sanang pinuno ng Akbayan.

Sinabi ni David na dapat ipaliwanag ni Duterte kung sino si “Mary Grace Piattos and friends” at kung paano ginastos ang P612 milyong confidential at intelligence funds.

“Tama na ang palusot, Sara. Prepare to go down in history as the first vice president to be impeached, not once, but twice,” sabi ng hepe ng Akbayan. —VBL GMA Integrated News