Isang limang taong gulang na batang lalaki ang hinangaan ng marami matapos nilang mapanood ang pag-akyat niya sa stage para tanggapin ang kaniyang mga medalya habang naka-saklay.

Ang bata ay nakilalang si Elly, isa sa mga mag-aaral sa Upper Tambler 1 Central Elementary School sa General Santos City. 

Ayon kay YouScooper Honeylyn Phala, nakuhanan niya ng video ang bata noong Biyernes, Marso 27, nang isagawa ang "Smart Day" o paggawad ng mga award sa mga estudyante. Nasa paaralan noon si Honeylyn dahil sa kanyang pamangkin.

 

"I took the video out of inspiration... Last section natawag ang bata and inabangan ko siyang umakyat just to share an inspiration sa lahat ng may kapansanan na hindi sila naiiba. Nakaka-inspire siyang tunay talaga," saad ni Honeylyn.

Humanga rin ang ilang netizens nang mapanood ang video ng bata na in-upload sa social media.

"Hindi sya nakakaawa, nakaka-bilib sya, you've got this baby boy!" sabi ng isang netizen.

"Sana mag tagumpay ka sa life and Sana maging mabait sayo ang mundo baby," komento naman ng isa pang netizen.

"Congrats Kiddo! Show the world what you are capable of! We will wait for your full length success the upcoming months-years and future! Padayon!," sabi ng isa pang netizen.

Sa panayam ng GMA Integrated News kay Mommy Lorelei, ang anak niyang si Elly ay hindi makalakad dahil sa spina bifida, isang uri ng neural tube defect o depekto sa kapanganakan kung saan hindi ganap na nagsasara ang spinal column at spinal cord ng sanggol habang nasa sinapupunan.

Pero hindi raw ito naging hadlang kay Elly para siya ay makapag-aral. —KG GMA Integrated News