Hindi itinago ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela ang kaniyang pagkadismaya sa mga pahayag ni Senador Rodante Marcoleta tungkol sa usapin ng West Philippine Sea at Kalayaan Island Group (KIG).

Sa isang panayam sa GTV News Balitanghali ngayong Lunes, sinabi ni Tarriela na nakababahala na ang isang halal na opisyal ay tila minamaliit ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Nilinaw din ni Tarriela na nagsasalita siya hindi bilang opisyal ng Coast Guard o miyembro ng uniformed service, kundi bilang isang mamamayang Pilipino.

“Bilang Pilipino, nakakadismaya, nakakagalit, nakaka-disappoint bakit tayo may isang elected member of the Senate and Congress na ganito magsalita, na tila winawalang bahala ang ating posisyon pagdating sa WPS,” saad niya.

“It’s very disappointing,” dugtong ni Tarriela.

Ang mga pahayag ni Tarriela ay kasunod ng mga sinabi ni Marcoleta na maaaring “isuko” ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG) dahil ang ilan sa mga ito ay nasa labas ng exclusive economic zone ng bansa.

Kalaunan, sinabi ni Marcoleta na hindi niya sinabing “isuko” ng Pilipinas ang mga sakop na bahagi sa KIG, at iginiit na pinaigsi lang ng kaniyang mga kritiko ang buong kontesto o laman ng kaniyang pahayag sa isang pagpupulong ng Commission on Appointments kaugnay ng kompirmasyon ng mga heneral ng Armed Forces of the Philippines.

Ngunit para kay Tarriela, malinaw umano ang nais sabihin ng senador.

“Bakit tila baga ang pagsasalita niya ay imbes na kondenahin ang ilegal at agresibong paggalaw ng China ay tila umaayon sa interes ng People’s Republic of China at ina-undermine ang aming posisyon,” puna niya.

Inulit din ni Tarriela ang imbitasyon niya kay Marcoleta at sa anak nitong kongresita na sumama sa susunod na maritime domain awareness (MDA) flight sa KIG.

“Para malaman nila na sa Pag-Asa may mga kabataang Pilipino, may komunidad ng mga Pilipino, at ito ang pinakamahalagang dahilan kung bakit ito ipinagtatanggol ng Armed Forces of the Philippines at ng PCG. Hindi ito dapat ipamigay,” anang opisyal.

Sinabi ni Tarriela na wala pang pahayag ang kampo ng senador tungkol sa kaniyang imbitasyon.

Sa ambush interview ng mga mamamahayag sa Senado, sinabi ni Marcoleta na nais muna niyang magkaroon ng "friendly debate" kina Tarriela tungkol sa usapin ng WPS bago tugunan ang imbitasyon nito sa KGI.— Joahna Lei Casilao GMA Integrated News