Inaresto at inalis sa puwesto ang dalawang security guard na nag-viral sa social media na nakitang sinasaktan sa harap ng maraming tao ang isang 17-anyos na lalaki sa Pasig River Esplanade sa Maynila nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Christian Maño sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing naglunsad na rin ng imbestigasyon ang Intramuros Administration kaugnay sa nangyaring insidente.
Iniutos ang pagtanggal sa puwesto ng dalawang security guard base umano sa polisiya ng tanggapan sa zero tolerance sa karahasan, maling asal o kawalan ng propesyonalismo.
Ayon pa sa pamunuan ng Intramuros Administration, posible rin silang magpataw ng parusa laban sa security agency ng dalawang sekyu, alinsunod sa nakapaloob sa kanilang kontrata.
Tiniyak naman ng ahensiya na nananatiling ligtas, maayos at mapayapa ang lugar na kanilang pinapangasiwaan para sa lahat ng bisita.
Una nang inaresto ang dalawang guwariya at nahaharap sa reklamong physical injury makaraang maospital ang binatilyo dahil sa naranasang pananakit.
Dalawang security guard na umano'y nambugbog ng menor de edad sa Pasig River Esplanade, sinibak na sa pwesto ng Intramuros Administration | via @xtian_mano pic.twitter.com/EpOEpNjtt5
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 9, 2026
Samantala, iniharap naman ni Manila Mayor Isko Moreno sa kaniyang online program na Talk to the People ang dalawang security guard.
Idinahilan ng dalawa na pumasok ang binatilyo na nakasakay sa bisikleta sa lugar na pinagbabawal sa Pasig River Esplanade.
Hindi umano nakinig ang binatilyo kahit ilang beses nilang pinagsabihan at nauna umano itong nanakit at tumakbo.
Hinabol nila ito hanggang sa masukol at doon na nakuhanan ang viral video na makikitang pinagsusuntok at sinipa nila ang binatilyo.
Ayon kay Moreno, kung may nagawang pagkakamali ang binatilyo, dapat tumawag ang mga sekyu ng pulis sa lugar at hindi nila dapat ginawa ang pananakit.
“Binurin niyo 'yung iskandalong ginawa niyo eh hirap na hirap na nga kami na buhayin natin ang Maynila,'' anang alkalde. – FRJ GMA Integrated News

