Maagang natapos ang kampanya ni Alex Eala sa Qatar Open matapos matalo kay Tereza Valentova ng Czech Republic, 7-6(6), 6-1, sa kanilang laban sa Round of 64 nitong Lunes ng gabi.
Naging mahigpit ang laban ng dalawa sa unang set na umabot pa sa isang tiebreaker. Gayunman, si Valentova, 18-anyos, ang nakakuha ng mahalagang mga puntos upang masungkit ang set, 7-6.
Sa ikalawang set, tuluyan nang nakontrol ni Valentova ang laban matapos niyang makuha ang unang limang laro, bago nakakuha ng tanging puntos ang 20-anyos na si Eala, 5-1.
Hanggang sa iselyo na ng Czech player ang panalo nang makuha rin ang ikalawang set, 6-1.
Kasalukuyang ranked no. 48 si Valentova, at may career-best mark na no. 44 ngayong buwan.
Galing naman si Eala sa paglahok sa Abu Dhabi Open, kung saan umabot siya sa quarterfinals ng singles tournament at sa semifinals ng doubles tournament kasama ang kaniyang kapareha na si Janice Tjen ng Indonesia.
Ngayong taon, lumaban din si Eala sa Manila Open, ASB Classic, Kooyoung Classic, at Australian Open. – FRJ GMA Integrated News

