Inihayag nina Senador Bong Go at Robinhood Padilla na wala silang plano na iwan ang kinabibilangan nila ngayon na Senate minority bloc, sa harap ng usap-usapan na may mga senador sa kanilang grupo ang lilipat sa majority bloc.
Bago matapos ang sesyon ng Senado nitong Lunes, nagpakuha ng larawan ang dalawang senador na naka-Duterte signature fist bump, at may hawak na papel na may nakasaad na: “Duterte bloc kami. Kayo na lang sumama!”
“Solid Duterte bloc kami! Kahit tatlo na lang kami maiwan,” saad pa ni Go sa isang Facebook post, patungkol niya kina Padilla, Sen. Ronald dela Rosa, at sa sarili.
“Magtrabaho at magserbisyo na lang ang unahin natin kaysa pulitika," dagdag pa ng senador.
Una rito, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mayroong biru-biruan na lilipat sa majority bloc sina Go at Padilla, at maging si Sen. Imee Marcos.
Inamin ni Sotto na umasa siyang aanib si Marcos sa majority bloc, kaya ibinigay sa kaniya noon ang chairmanship ng foreign relations committee.
Pero dahil nasa minority bloc si Marcos, inalis na sa kaniya ang naturang komite at inilipat kay Sen. Erwin Tulfo.
“Walang official na gano’n… Siguro merong pabiro every now and then kapag nagkikita kami sa lounge. Same with Senator Bong Go and Senator Robin Padilla. Meron kaming mga biruan na gano’n sapagkat ‘yan naman eh, they’re in line with the thinking of the majority. Independent Senate, kung ano sa tingin namin tama, doon kami,” paliwanag ni Sotto.
Nitong nakaraang linggo, naharang nina Sotto ang tangkang kudeta umano ng minorya at maagaw ang liderato ng kapulungan mula sa kaniya. — Giselle Ombay GMA Integrated News

