Nasawi ang isang binatilyong Grade 10 student matapos siyang anim na beses na saksakin ng kaniyang kapwa estudyante na nambastos pa umano sa kaniyang girlfriend sa Baseco, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa likod mismo ng kanilang paaralan bago mag-7 p.m. nitong Lunes.
Mapanonood sa kuha ng CCTV na ilang minutong nag-abang sa 15-anyos na biktima ang lalaking kaaway niya, na 16-anyos naman.
Sa isa namang cellphone video, makikita ang binatilyo na ilang beses isinaksak ang kutsilyo kay alyas “JC” habang nagpapambuno sila.
Habang naglalakad na palayo si alyas “JC,” doon na siya humandusay sa eskinita.
Sinabi ng Manila Police District na naidala pa sa ospital si alyas “JC,” pero pumanaw din kalaunan matapos magtamo ng mga saksak sa bandang dibdib at tagiliran.
Inilahad ng menor de edad na nobya ng biktima, na pinayagang humarap sa camera ng kaniyang nanay, na nagsimula ang alitan ng dalawa matapos siyang ipagtanggol ni “JC” sa pambabastos ng lalaki, na ka-teammate niya sa sepak takraw.
Makaraan ang ilang araw, mainit pa rin ang dalawa sa isa't isa, hanggang sa nagkayayaan na sila ng suntukan sa likuran ng eskuwelahan.
“Sana po managot 'yung mga nambugbog sa kaniya kasi ‘di naman po gano’ng tao si JC, malambing po siya,” sabi ng kasintahan ng biktima.
Nahanap ng mga awtoridad sa bahay ng kaniyang kaklase ang lalaki na nanaksak kay “JC," habang ang kutsilyo na hiniram niya lang at ginamit sa pananaksak, nakita sa basurahan ng bahay.
Humingi ng paumanhin ang ina ng lalaki sa pamilya ng biktima.
“Patawad po, hindi po napigilan ng anak ko,” sabi ng ina ng nanaksak.
Nananawagan ang nanay ng biktima sa iba pang posibleng sangkot sa panggugulpi at sa lalaking nagpahiram ng kutsilyo na lumantad na.
“Pinagtulungan nila eh, ipalagay mo nang matapang 'yung anak ko, dapat hindi mo na sinaksak,” sabi ni Rhoda Ricabar, ina ni JC.
“Pangarap talaga niyang magsundalo. Wala na ‘yung pangarap ng anak ko,” sabi ni Ricabar.
Sinabi naman ng Barangay 649 na magdadagdag sila ng mga personnel sa likuran ng paaralan para hindi na maulit ang insidente.
“Sa tuwing iikot 'yung pulis at barangay po, tumatakbo ‘yan mga ‘yan eh so kami nagre-reach out talaga kami every Friday, dagdagan pa mga kapulisan sa loob,” sabi ni Kagawad Edgardo Campañera.
Mananatili sa homicide section ng Manila Police District ang lalaki habang hindi pa siya naisasailalim sa pagsusuri ng DSWD. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
