Pormal nang naipadala sa Tanggapan ng House Speaker ang ikatlong reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, ayon kay House Secretary General Cheloy Garafil nitong Martes.

Sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Garafil na inihain ang reklamo sa Tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III Lunes ng gabi, alinsunod sa Konstitusyon at mga panuntunan ng Kamara.

Isinampa ng mga relihiyosong grupo, mga kaparian, at abogado ang ikatlong reklamo ng impeachment nitong Lunes, na inaakusahan si Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng taumbayan, katiwalian at korapsyon, at iba pang mga paglabag kaugnay ng maling paggamit umano ng hindi bababa sa P612 milyon na confidential funds.

Inendoso ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative Leila de Lima ang reklamo ng impeachment.

Inaasahang isasama sa Order of Business ang tatlong reklamo ng impeachment laban sa Pangalawang Pangulo at pormal na isasangguni sa House Committee on Justice, na siyang didinig sa mga reklamo.

Isinampa noong Pebrero 2 ang unang dalawang reklamo ng impeachment, ilang araw matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon nito noong Hulyo 2025 na nagdedeklara sa mga naunang Articles of Impeachment laban kay Duterte na labag sa Konstitusyon dahil sa patakaran na isang taong pagbabawal.

Sinabi ng mataas na hukuman na maaari lamang isampa simula Pebrero 2026 ang isang bagong reklamo ng impeachment, kasunod ng pagtatapos ng isang taong pagbabawal na itinakda ng Konstitusyon.

Nauna nang isinampa ang isa pang reklamo ng Makabayan at mga kaalyadong grupo, na nag-aakusa ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, habang ang pangalawa ay isinampa ng civil society group na Tindig Pilipinas, na inaakusahan ang Pangalawang Pangulo ng pagtataksil sa tiwala ng publiko at paglabag sa Konstitusyon.

Dati na ring na-impeach ng House of Representatives si Duterte noong Pebrero 2025, kung saan mahigit 200 mambabatas ang sumang-ayon sa reklamo.

Gayunpaman, bumoto ang Senado noong Agosto 2025 na i-archive ang Articles of Impeachment kasunod ng desisyon ng Korte Suprema. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News