Arestado ang isang 23-anyos na lalaki matapos maaktuhan ng may-ari sa CCTV ang ginagawa niyang panloloob sa isang commercial establishment sa Barangay Sacred Heart, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV na nagpapa-linga linga pa ang suspek na tila kumukuha ng tiyempo sa nire-renovate na commercial establishment.

Hanggang sa pumasok na ang lalaki at isinara ang pinto.

Maya-maya pa, marahan na niyang inilalabas ang isang LPG tank.

Ang hindi alam ng kawatan, napanonood na pala siya ng mismong may-ari ng establisimyento na papunta na noon sa lugar.

“Nag-pop up ‘yun sa kaniyang facial recognition du'n sa CCTV na may pumasok du'n sa kaniyang establishment and then immediately tumawag siya sa barangay at sa ating kapulisan dito sa station din that resulted du'n sa pag-respond din naman du'n sa area,” sabi ni Police Captain Mann Erik Felipe, chief ng SIDMU, Kamuning Police.

Nagtatakbo na ang suspek nang mapansin ang pagdating ng mga awtoridad, at pumunta siya sa ikalawang palapag ng establisimyento.

“Doon sa may bandang kusina du'n siya nagtago, ni-lock 'yung pinto pero nabuksan ng ating operatiba. Sinubukan ding wasakin 'yung salamin ng establishment para tumakas at naabutan naman siya na may dala siyang baril, tinutukan ng ating barangay at kapulisan,” sabi pa ni Felipe.

Nabawi mula sa lalaki ang ginamit niyang gun replica at LPG tank na naiwan sa compound ng commercial establishment.

Umamin ang suspek sa krimen.

“Nagnakaw po ako. Nangangailangan lang po. Ibebenta po [ang LPG tank]. Panakot lang po [ang gun replica],” sabi ng suspek.

Batay sa tala ng pulisya, ikatlong beses nang nadakip ng suspek dahil sa pagnanakaw.

Sinampahan ang lalaki ng mga reklamong attempted theft, malicious mischief, and grave threat in relation to Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News