Natunton sa ilalim ng tulay ang isang 20-anyos na lalaki na nagnakaw ng cellphone sa Barangay NBBS Dagat?dagatan sa Navotas. Ang suspek, nahanap gamit ang improvised na bangka.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nambiktima ang lalaki sa isang convenience store.

Matapos magnakaw, nagtago sa ilalim ng tulay ang lalaki.

Gumamit ang mga tanod at pulisya ng improvised na bangka para maabot ang suspek, habang marami ang nakiusyoso habang inaaresto siya.

Nagdulot din ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa lugar ang pagdakip sa lalaki.

Ayon sa pulisya, isang commuter na nag-aabang ng masasakyang jeep pauwi ang nakasaksi sa pagnanakaw.

“‘Yung victim natin dito, naka-charge ‘yung kaniyang cellphone. So vendor siya. ‘Yun na nga, hinuhugot niya, pinapasimplehan niya na kinukuha ang cellphone ng isang vendor natin,” sabi ni Police Colonel Renante Pinuela, chief ng Navotas Police.

Sinubukan habulin umano ng saksi ang suspek, hanggang sa humingi na siya ng tulong sa pulisya.

“Tama lang ang ginawa ng witness natin na [tinawag] 'yung atensyon ng kapulisan natin kasi hindi rin natin alam baka may panaksak o may baril itong ating suspek. Wala kaming nakikita na may grupo siya,” sabi ni Pinuela.

Balik-piitan ang suspek, na kalalabas lang noong Enero dahil naman sa pagsusugal.

Narekober sa kaniya ang ninakaw na cellphone na nagkakahalaga ng P10,000.

Umamin ang lalaki sa pagnanakaw.

“Para lang sa bisyo po. Sakto-sakto din po, gutom na-gutom na din ako. Pambili rin ng pagkain,” sabi ng suspek,

Sinampahan siya ng reklamong theft, na nakapiit sa Navotas City Police Station. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News