Mula sa pagiging “qualifier,” nakakuha na ng puwesto sa main draw si Alexandra “Alex” Eala para sa inaabangang Dubai Tennis Championships na magsisimula sa Pebrero 15, 2026.
Kinumpirma sa official website ng torneo ang pagkakasama ni Eala sa main draw nitong Miyerkules, mula sa dati niyang pagkakalista bilang isang qualifier.
Ang mga manlalaro sa main draw ay awtomatikong nakakapasok sa isang torneo batay sa kanilang mataas na world ranking, o isang "wild card," o special exemption.
Ang qualifier na manlalaro na karaniwang may mas mababang ranking ay kailangang munang lumaban at manalo ng ilang beses sa paunang laban upang makasama sa main draw.
Kasalukuyang world No. 40 si Eala at kasama niya sa matinding line-up sa main draw ang mga Grand Slam champions na gaya nina Aryna Sabalenka, Iga Swiatek, at Coco Gauff; mga top player na sina Amanda Anisimova at Mirra Andreeva; pati na rin ang dati niyang mga kalaban na sina Jessica Pegula, Ekaterina Alexandrova, Victoria Mboko, Clara Tauson, at Maya Joint.
Ang Dubai ang huling bahagi ng kampanya ni Eala sa Middle East bago siya pumunta sa Amerika sa Marso, para naman sumabak sa Indian Wells Open.
Naging maganda ang simula ng kampanya ni Eala ngayong 2026, matapos siyang makarating sa semifinals ng ASB Classic sa New Zealand, bago bumiyahe sa Australia para naman sa Kooyong Classic exhibition tournament, kung saan naging kampeon siya.
Kasunod nito, lumahok naman si Eala sa Abu Dhabi Open sa United Arab Emirates, at umabante sa quarterfinals sa singles at semifinals sa doubles kasama si Janice Tjen ng Indonesia.
Sumabak din si Eala sa Qatar Open, pero maaga siyang natanggal sa unang round matapos matalo kay Tereza Valentova. – FRJ GMA Integrated News

