Ligtas na si Wally Bayola matapos maaksidente sa kaniyang pagmomotorsiklo habang patungo sa Naga City.

Sa Facebook post, ibinahagi ng Eat Bulaga/TVJ ang larawan ni Wally habang nasa ospital upang ipaalam sa netizens ang kalagayan ng komedyante.

"Maayos na po ang kanyang kalagayan," saad sa post. Nagtamo umano ng mga gatos si Wally dahil sa insidente.

Batay sa mga ulat, patungo si Wally sa Naga nang may madaanan siyang lubak sa Andaya Highway sa barangay Bel Cruz, Lupi, Camarines Sur. Kaagad siyang na-rescue at dinala sa ospital.

Sa post, nagpaalala ang Eat Bulaga sa kanilang followers na palaging mag-ingat.

Samantala, inihayag naman ng Bureau of Fire Protections-Lupi, na nagtamo si Wally ng mga sugat sa kamay at binti. Hirap din daw igalaw ng komedyante ang kaniyang kanang paa nang abutan habang nakahiga sa gilid ng daan.

Pinaniniwalaang na nalubak at sumemplang ang motorsiklo ni Wally habang bumabiyahe kasama ang isang grupo ng riders habang patungong Bicol. — FRJ GMA Integrated News