Iniulat na sinabi umano ni US President Donald Trump sa panayam ng Financial Times na nais niyang "kunin ang langis” ng Iran at kontrolin ang export hub nito sa Kharg Island. Ano nga ba posibleng mangyari kapag ginawa ito ng Amerika? Alamin.

Sa nasabing panayam kay Trump ng Financial Times nitong Linggo, sinabi ng pangulo ng Amerika na: "To be honest with you, my favorite thing is to take the oil in Iran but some stupid people back in the US say: ‘Why are you doing that?’ But they’re stupid people. Maybe we take Kharg Island, maybe we don’t. We have a lot of options."

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing pangunahing oil export hub at isa sa haligi ng ekonomiya ng Iran ang Kharg Island, na tinatawag ding Orphan Pearl of the Persial Gulf.

Matatagpuan ito sa layong 15 nautical miles mula sa mainland ng Iran. Dito rin dumadaan ang halos 90% ng crude oil exports ng bansa kaya ito ang pangunahing oil export hub ng bansa.

Batay din sa isang report, milyon-milyong bariles ng krudo ang nakaimbak sa isla. Matapos gipitin ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, lumalabas ang mga espekulasyon na posibleng salakayin ng US ang isla para i-pressure ang Iran upang buksan ang strait.

Iminungkahi rin ni Israli Main Opposition Leader Yair Lapid, na atakihin ang mga energy infrastructure sa Kharg Island. At ganito rin ang mungkahi ng ilang mambabatas sa Amerika.

Kung matutuloy ito, paniwala ng ilang eksperto, totoo na mapipilay nang husto ang energy trade ng Iran kung makukubkob ng US ang isla. Ngunit may malaki ring peligrong kapalit nito. Kung ano ang mga ito, panoorin ang buong report sa video. – FRJ GMA Integrated News