Sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng isang Multi-Purpose Vehicle (MPV) na tinakasan ang mahigit P5,000 na halaga ng diesel na ipinakarga niya sa sasakyan sa isang gas station sa Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District nitong Lunes, sinamahan ng mga kamag-anak ang 27-anyos na suspek nang sumuko ito sa QCPD Station 1 dakong 8:00 pm.

Bago nito, sinabi ng mga awtoridad na natukoy na ang plaka ng sasakyan na tinakpan ng tela matapos ang isinagawa nilang forward at backward tracking sa mga CCTV camera, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya.

Batay sa imbestigasyon, hindi naglalabas at umiwas sa social media ang suspek matapos na mag-viral ang insidente.

Sinabi umano ng suspek, hindi niya alam na hinahanap na siya ng mga awtoridad. Nanatili umano ang lalaki sa kanilang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan, at doon din nakaparada ang sasakyang ginamit niya sa insidente.

Nangyari ang insidente madaling araw ng Linggo nang ipa-full tank niya ng diesel ang sasakyan sa isang gasolinahan sa EDSA

Umabot sa ₱5,196 halaga ng diesel na tinakbuhan ng suspek. Sa sahod ng pump attendant ikakaltas dapat ang nawalang kita pero nag-ambagan ang mga pulis para mabayaran ito.

Idinahilan umano ng suspek na nagipit umano siya at wala siyang pera habang magtatapos ang kaniyang anak. Nakahanda raw ang suspek na makipag-areglo sa kaniyang ginawa.

Tuloy naman ang QCPD sa pagsasampa ng reklamong estafa laban sa suspek sa Office of the Prosecutor. — FRJ GMA News