Walang nakikitang pananagutan ang Philippine National Police (PNP) sa parte ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) matapos mahulog mula sa itaas ng FPJ Station sa Quezon City, ang isang estudyante at masawi.

“Magkakaroon lang po ng pananagutan ang LRT na kung may nakita silang contributory negligence sa parte po ng LRT,” ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño sa press briefing nitong Biyernes.

“Pero sa ngayon po, wala po silang nakikita na contributory negligence sa part po ng LRT,” dagdag niya.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa insidente noong Miyerkules ng umaga nang mahulog ang isang lalaki estudyante, at nasagasaan ng kotse matapos siyang bumagsak sa kalsada.

Ayon sa QCPD, sa CCTV video mula sa LRT-1 management, makikita umano ang estudyante na pabalik-balik na naglalakad sa itaas ng train station, at tumitingin sa kalsada sa ibaba.

Ilang minuto pa ang lumipas, nangyari na ang insidente.

Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng kotse na nakasagasa sa estudyante bilang bahagi umano ng standard operating procedures (SOP) sa mga katulad na insidente na may nasasawi.

Gayunman, pinalaya na ang driver nitong Huwebes ng hapon matapos na magbigay ng notarized letter ang ama ng estudyante na nagsasaad na hindi niya kakasuhan ang driver. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News