Inaasahan na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE) nitong Biyernes.

Batay sa apat na araw na Mean of Platts Singapore (MOPS) trading, ang tinatayang pagbabago sa presyo ng kada litro sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang mga sumusunod:

  • Gasolina – humigit-kumulang tataas ng P0.95
  • Diesel – humigit-kumulang tataas ng P0.10
  • Kerosene – humigit-kumulang tataas ng P0.25

Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau (OIMB) Assistant Director Rodela Romero, ang pinal na galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay matutukoy pagkatapos ng MOPS trading sa Biyernes. Bukod sa isasamang gastos sa operasyon ng mga kompanya ng langis at iba pang premium.

Sinabi ni Romero na ang inaasahang pagtaas ng presyo ng langis ay maiuugnay sa umiiral na geopolitical tensions sa Iran.

Ayon sa opisyal, ang panganib ng pagkaantala ng suplay sa Strait of Hormuz at ang kawalang-katiyakan sa usaping nukleyar ng Iran ay nakadagdag sa tinatawag na risk premium.

Mayroon ding ulat na maaaring harangin ng Amerika ang mga sasakyang-dagat o tanker na may kargang krudo na mula sa Iran, na lalo pang nagpapalala sa pangamba sa suplay.

“Together, these factors created a week of cautious but slightly rising crude prices,” paliwanag ni Romero.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipinatutupad sa susunod na araw ng Martes.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News