Magpapakalat ng 11,000 pulis ang Philippine National Police (PNP) para matiyak ang seguridad at kaayusan sa ikatlong Trillion Peso March-- ang protesta laban sa katiwalian sa flood control projects-- na ikinasa sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.

Sa press briefing nitong Biyernes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, na handa ang kapulisan na tiyakin na mapayapa at maayos ang mga katulad na pagtitipon ng publiko.

“Ito ay kaugnay sa gaganapin na Trillion Peso March. Nais po nating banggitin na handa po ang PNP upang tiyakin ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng anumang aktibidad sa February 25,” anang opisyal.

“Nagkasa po ang PNP ng mahigit na 11,000 kung saan sila po ay ide-deploy,” dagdag niya.

Nauna nang naglabas ang pamahalaang lungsod ng Quezon ng isang memorandum na may petsang Pebrero 10 para sa Quezon City Police District, na tinutukoy ang hindi bababa sa limang organisasyon na inaasahang lalahok sa dalawang araw na aktibidad, na inilarawan bilang isang “prayer and indignation rally,” ayon kay Tuaño.

Nakatakda ang mga aktibidad sa Pebrero 22 at 25 sa EDSA Shrine at People Power Monument, at inaasahang aabot sa 50,000 katao ang kalahok sa bawat araw ng pagtitipon.

Sa ngayon, wala pang namomonitor na banta kaugnay ng nasabing protesta, ayon sa PNP. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News