Isang sasakyan na may markang ambulansiya ang nabistong hindi umano talaga para sa pasyente matapos dumaan at maharang sa EDSA Busway nitong Huwebes sa bahagi ng EDSA-Santolan.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation ng Department of Transportation ang humarang sa naturang ambulansiya na puro upuan at walang mga gamit pang medikal sa loob.
Paliwanag ng driver, mga pasyente umano mula sa Cavite ang inihatid niya para magpa-checkup sa mga ospital sa Metro Manila ang isinakay niya. Gayunman, wala siyang naipakitang transfer assignments.
“Ang kaniyang pupuntahang mga ospital from Tanza ay PGH, San Lazaro at saka Fabella, pero ang tanong ko sa driver, lahat ng ospital na naka-indicate sa trip ticket niya ay nasa Manila, pero paano siya napunta at bakit siya napunta ng EDSA-Santolan? Parang ang layo naman ng dinaanan niya… Hinahanapan namin ng proof, kahit man lang text message, wala namang makipakita yung driver,” ayon kay SAICT-SOG head Rayson dela Torre.
“Kahapon lang ako nakakita ng isang ambulance na wala man lang stretcher, wala man lang oxygen tank. Kahit nga yung medical kit, wala kaming nakita,” dagdag niya.
Ayon sa DOTr-SAICT, dumadami ang nakikitang ambulansiya tuwing rush hour.
Hindi umano maaaring dumaan sa busway ang mga ambulansiya na walang trip ticket o request sa paglilipat mula sa ospital.
“Kaniya-kaniyang pamamaraan yung ginagawa ng iba, pero hindi naman natin sinasabing lahat, ganon ang ginagawa, pero malamang na mayroong dumidiskarte para lamang makalusot,” sabi ni dela Torre.
“Hindi naman kasi palalabasin ang isang government vehicle kung wala naman itong trip ticket o dispatch galing sa kanilang agency o local government unit. Kung halimbawa galing sila sa isang ospital, itata-transfer lang yung kanilang pasyente; usually may request na ‘yan galing doon sa lilipatang ospital,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na dapat dagdagan ang pagsita sa mga ambulansiyang bumibiyahe tuwing rush hour para mahuli ang mga pekeng ambulasiya.
Dapat umanong tanggalan ng lisensiya ang mga driver ng pekeng ambulansiya.
Inihayag din ng Land Transportation Office na magpapatupad din ito ng kampanya laban sa mga pekeng ambulansiya na nag-aalok pa ng biyahe sa social media.
“[It is] colorum... Once na may isakay siya na pasahero at nagbabayad, colorum yun, kasi ambulansya tapos may mga upuan? Sinasamantala nila dahil ambulansyang marking nila,” ayon kay LTO chief Markus Lacanilao.— Jiselle Anne Casucian/FRJ GMA Integrated News
