Pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa ang suspek sa hit-and-run incident na ikinamatay ng 23-anyos na negosyante sa Cebu City.
Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nagkakahalaga ng P72,000 ang binayarang piyansa ng suspek para sa kinakaharap nitong kaso na reckless imprudence resulting in homicide.
May suot na helmet at Kevlar bullet proof vest, at guwardiyado ng mga pulis ang suspek nang dumating at umalis ng korte.
Matapos magpiyansa, babalik umano ang suspek sa ospital para magamot ang tinamong pinsala sa katawan dahil sa insidente.
Bago nabangga ng suspek ang naglalakad na biktima sa gilid ng daan, may nauna na itong nabangga na nakaparadang kotse na kaniya ring tinakasan.
Naaresto lang ang suspek nang tumagilid ang kaniyang sasakyan habang tumatakas matapos na mabangga ang biktima.
Sinabi naman ni Atty. Julito Añora, abogado ng suspek, nagsisisi ang kaniyang kliyente sa nangyari. – FRJ GMA Integrated News
